Palasyo: Fake news ang sinisisi sa patuloy na pagbagsak ng ratings ni Marcos Jr.

Palasyo: Fake news ang sinisisi sa patuloy na pagbagsak ng ratings ni Marcos Jr.

PATULOY ang pagbaba ng tiwala ng mga Pilipino sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon sa pinakahuling Ulat ng Bayan Survey ng Pulse Asia noong Marso 2025, bumaba sa 25% ang approval rating ng pangulo habang tumaas sa 53% ang disapproval rating.

Noong Pebrero, nasa 42% pa ang trust rating ni Marcos Jr., ngunit ngayon ay bumagsak ito sa 25%. Samantala, ang hindi na naniniwala sa kaniya ay dumami mula 32% patungong 54%.

Sinisi ng Palasyo ang fake news sa pagbaba ng ratings ng pangulo.

“Sumasalamin din po ito sa impluwensya ng mga fake news na nagkakalat,” wika ni Usec. Claire Castro, Presidential, Communications Office | Palace Press Officer.

Senatorial candidate, bumuwelta sa Palasyo matapos isinisi sa umano’y fake news ang pagsadsad ng ratings ni Marcos Jr.

Ngunit bumuwelta si Norberto Gonzales.

“Hahahaha dati pa ‘yang mga fake news na ‘yan—ang iba nga sa kanila pa nanggagaling di ba? Tapos ngayon na bumabagsak, sasabihin fake news?” saad ni Norberto Gonzales, Senatorial Candidate | Former Defense Secretary.

Nagbigay rin siya ng mga halimbawa ng umano’y fake news mula sa Palasyo—tulad ng sinabi ni Marcos Jr. noong 2024 na walang armas ang mga pulis sa pagpasok sa compound ng KOJC.

Dagdag pa rito ang hindi natupad na pangakong P20 kada kilo ng bigas, gayong hawak pa noon ni Marcos Jr. ang Department of Agriculture.

Pangatlo, ipinangako ng pangulo na ipagpapatuloy ang Duterte administration, ngunit ipinaaresto niya si dating Pangulong Duterte at agad na ipinadala sa ICC sa The Hague nang walang pahintulot.

Ayon kay Gonzales, pinapakita nito ang kahinaan ni Marcos Jr. bilang lider.

“Dahil sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Duterte, lumabas ang pagkahina niya. Ang paniniwala ng ating mga kababayan, lalong humihina ang liderato ng pangulo natin,” dagdag ni Gonzales.

Aminado si Gonzales na may mga nagpapakalat talaga ng fake news, pero hindi nito natatabunan ang nararamdaman ng mga tao.

“Bagamat maraming fake news, ‘yong katotohanan, nararamdaman at nakikita ng taumbayan. ‘Yan talaga ang nagpapabagsak sa pangulo—ang sentimyento na hindi niya kayang gampanan ang tungkulin bilang pangulo,” aniya pa.

Sa huli, may payo si Gonzales kay Marcos Jr.

“Dahil napakababa na at maaaring bumaba pa, marami na ang nag-iisip na kung pwede sana para sa ikabubuti ng bayan—mag-isip na ang pangulo: either mag-resign o tumawag ng snap election,” giit nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble