Palaweño, hinikayat na magkaisa matapos ang isinagawang plebisito

NANANAWAGAN ngayon si 1st District Rep. Franz Alvarez sa mga Palaweño na magkaisa na upang muling makaahon sa kahirapan matapos ang plebisito sa Palawan.

Ayon sa kongresista, lubos nitong iginagalang ang naging pasya ng mga Palaweño at hindi pa aniya napapanahon na hatiin ang lalawigan upang mapabilis ang paghahatid ng serbisyo.

Wala rin aniyang pagbabago at makakaasa ang kaniyang mga nasasakupan na patuloy pa rin itong magsisilbi anuman ang naging resulta ng plebisito.

Naniniwala din ito na magkaiba man ang kanilang mga pananaw ngunit iisa lamang ang pangarap na umunlad ang lalawigan ng Palawan.

Maalala na pinagbotohan ng mga residente sa Palawan kung pabor silang hatiiin ang Palawan sa tatlong probinsiya ng Palawan del Norte, Palawan Oriental, Palawan del Sur.

Nanalo ang botong “no” sa bilangan sa isinasagawang plebisito sa Palawan.

(BASAHIN: Palawan, mananatiling isang probinsiya matapos manalo ang botong ‘No)

Maayos at general peaceful

Samantala, maayos at “general peaceful” ang isinagawang plebisito sa Palawan kung saan walang naitalang untoward incident.

Sa isang pahayag, sinabi ni PNP Officer-in-Charge Police Lieutenant General Guillermo Lorenzo Eleazar na 920 police personnel ang idineploy sa probinsiya para magbigay seguridad sa mga botante at election officials sa 487 polling centers.

Gayunman, sinabi ni Eleazar na may ilang nahirapan sa pag-deliver ng election materials sa polling centers bunsod ng transportasyon at weather issues.

Naiulat din ang maliit na problema sa paghahatid ng impormasyon dahil sa mahinang signal at masamang panahon.

Sinabi ni Eleazar na ang pinakamalaking hamon ng plebisito ay siguruhin ang pagsunod ng mga tao sa health at safety protocols sa mass gatherings.

Batay sa resulta ng botohan hanggang kahapon, tutol ang mga botante na hatiin ang Palawan sa tatlong probinsiya.

SMNI NEWS