Pamahalaan, hinimok na mas maging agresibo sa paghahanap ng COVID-19 vaccine

HINIMOK ng isang mambabatas ang pamahalaan na mas maging agresibo pa sa paghahanap at pag-procure ng COVID-19 vaccine.

Ito’y matapos sabihin ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na hindi na tatanggap ng karagdagang order ng bakuna ang AstraZeneca at Moderna.

Ayon kay Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, 80% sa world supply ng bakuna ang nakorner na ng limang bansa.

Diin pa nito, mas maigi na isantabi na ang isyu sa posibleng negatibong epekto o side effects ng bakuna at ipaubaya na lamang ito sa mga eksperto.

“The government with the support of the people should be more aggressive in getting the vaccines from wherever possible. 80% of the vaccines have been cornered by 5 countries and all this noise about the negative effects of the vaccine is best left to the experts,” pahayag ni Defensor.

Wala din aniya dapat ipag-alala dahil lahat raw ng bakuna mula man sa Russia, China, Pfizer at Moderna ay napatunayan na ang efficacy.

Kaya naman ang kailangan ngayong gawin ng pamahalaan ani Defensor ay agad makabili nito at umpisahan ang pag-roll out ng vaccination program dahil kung hindi ay tira-tira na lamang ang mapupunta sa bansa.

“China, Russia, Pfizer, Moderna and other vaccines available have proven efficacy though at different levels. We should purchase asap and focus on the roll out instead of quarreling on parallel issues which will render us fighting for crumbs instead of what’s on the table. Let’s stop the noise and support the gov’t in getting the vaccines as soon as possible,” ani Defensor.

Samantala, aminado naman si House Committee on Health Chair Angelina ‘Helen’ Tan na makaka-apekto sa COVID-19 vaccination program ng bansa ang paghinto ng AstraZeneca at Moderna sa pagtanggap ng order ng bakuna.

Ayon kay Tan, karamihan ng bakuna na pinaplanong kunin ng private sector ay magmumula dapat sa AstraZeneca.

Mayroon ding 17 milyong dosis ng AstraZeneca vaccine ang napagkasunduan bilhin ng mga LGU sa ilalim ng isang tripartite agreement.

Dahil dito, muling binigyang diin ni Tan ang kahalagahan ng pagsusulong na maitatag ang Philippine Virology Center.

Isa kasi sa mga tutugunan nito ay ang local production ng mahahalagang bakuna sa hinaharap.

Sa ngayon ay hindi pa rin aniya handa ang bansa para sa paggawa ng sarili bakuna.

SMNI NEWS