MAMAMAHAGI ang pamahalaan ng 3,524 Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ng Kidapawan, North Cotabato ngayong araw, Disyembre 10, 2022.
Ito ay bilang patuloy na pagtupad sa pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagpapaunlad at pagtulong sa mga magsasaka sa buong bansa.
Pangungunahan ang pamamahagi ng mga titulo ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III.
Sa kabuuan, tinatayang nasa 6,103 ektaryang lupang pang-agrikultura ang sakop ng ipamamahagi upang makatulong sa pagyabong ng sektor ng agrikultura sa naturang rehiyon.
Bukod dito, nakatakda ring iturn-over ni Estrella ang isang hauling vehicle na nagkakahalaga ng P195,000 sa farmer members ng Kisandal Agrarian Reform Beneficiaries Association maging ang indemnity checks na nagkakahalaga ng P815,666 sa 53 ARBs ng munisipalidad ng Carmen at 108 ARBs mula Alamada.
Itu-turn over din ni Estrella sa local government ng Alamada ang 10 government-owned public lots na matatagpuan sa Kitacubong, Mirasol at Guiling na maaring gamitin ng LGU sa pagpapatayo o pagpapabuti sa municipal plaza, government center, sementeryo, health center, public market, barangay plaza, at barangay hall.