Pamahalaan patuloy na inihahanda ang mga Pilipino sa posibleng pagtama ng ‘The Big One’

Pamahalaan patuloy na inihahanda ang mga Pilipino sa posibleng pagtama ng ‘The Big One’

BAGAMAT hindi na bago sa bansa ang mga nararanasang kalamidad kagaya ng lindol, tuluy-tuloy pa rin ang paghahanda ng gobyerno lalo na sakaling tumama ang sinasabing ‘The Big One’ sa Metro Manila.

Nito lamang nakaraang buwan, halos sunud-sunod ang mga kalamidad na naranasan ng bansa kasama na ang mga naitalang lindol sa Mindanao partikular na sa Davao Region.

Bagamat kakaunti na lamang ang naitatalang casualty, umaasa ang pamahalaan na mababawasan pa ang mga maapektuhan tuwing tatama ang isang lindol.

Kaugnay rito, muling pinangunahan ng gobyerno ang isang Earthquake Preparedness Summit sa Maynila na layong talakayin ang iba’t ibang earthquake scenario sa bansa kasama na ang paghahanda ng iba’t ibang sektor para sa inaasahang “The Big One” o mahigit 7.2 magnitude na lindol sa Metro Manila.

Kinakailangan anila ang mga ganitong pagpupulong ng mga sektor at ahensiya ng pamahalaan lalo pa’t mayorya ng mga serbisyo ng gobyerno ay nasa Metro Manila.

Kabilang na nga rito ang malalaking financial institutions sa bansa. Anila, maaaring lumpuhin nito ang ekonomiya ng Pilipinas kung kaya’t mainam na may sapat na kaalaman ang mga ito para maiwasan ang potensiyal na dagok nito.

Ikinatutuwa naman ng pamahalaan ang unti-unting pagkakaroon ng kaalaman ng publiko sa kontribusyon ng iba’t ibang quake drills sa mga paaralan at komunidad dahil na rin sa mababang bilang ng mga nasasawi tuwing nagkakaroon ng lindol at iba pang uri ng kalamidad sa bansa.

Nauna nang pinuri ng Pilipinas ang kahandaan ng bansang Japan sa pagtugon sa iba’t ibang kalamidad at inaasahan na ganundin ang lebel ng kaalaman at paghahanda ng mga Pilipino bagamat malayo pa anila na mangyari ang kinatatakutang ‘The Big One’.

Lumahok sa aktibidad ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, uniformed personnel, civic organizations, non-government organizations (NGOs), pribadong sektor, academe, at mga apektadong lokal na pamahalaan.

Paalala ng pamahalaan na dapat maging handa ang bawat isa, kaya naman sana ay nakikiisa ang lahat tuwing may earthquake drill ang gobyerno.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble