SINABI ng Malakanyang na kasalukuyang nirerepaso ng administrasyon ang epekto ng mababang taripa sa imported rice upang matiyak na hindi maaapektuhan ang kita ng mga magsasaka sa gitna ng nalalapit na harvest season.
Matatandaang ipinapatupad sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 62 ang pagbaba ng taripa sa imported na bigas sa 15% mula sa dating 35% simula Hulyo 2024 hanggang 2028, bilang hakbang upang maibsan ang epekto ng inflation.
Gayunman, sa kabila ng mas mababang taripa, nananatiling mataas ang presyo ng bigas sa mga lokal na pamilihan.
Base sa EO, dapat na nirerebyu ng National Economic and Development Authority (NEDA) kada apat na buwan ang epekto ng taripa sa suplay at presyo ng bigas.
Sa ngayon, wala pang opisyal na anunsiyo mula sa Palasyo kung may rekomendasyon na ang NEDA hinggil sa posibleng pagbabago sa kasalukuyang patakaran.
Hinimok naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang National Price Coordinating Council (NPCC) na agarang repasuhin ang EO 62.
Giit ng grupo, hindi dapat umasa ang bansa sa importasyon pagdating sa suplay ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), agad nilang ipapaalam sa publiko ang anumang desisyon o rekomendasyon kaugnay ng isyu.
Follow SMNI News on Rumble