Pamahalaan, posibleng mag-angkat ng 150,000-MT ng asukal sa Oktubre

Pamahalaan, posibleng mag-angkat ng 150,000-MT ng asukal sa Oktubre

POSIBLENG mag-angkat ang Pilipinas ng 150,000 metric tons ng asukal sa Oktubre kung magkaroon ng kakulangan sa suplay nito.

Upang patatagin ang domestic prices ng mga bilihin, hindi isinasara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang posibilidad ng pangangailangan na mag-import ng asukal sa Oktubre.

Si Pangulong Marcos ang tumatayong secretary ng Department of Agriculture (DA) at chairperson ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

Sa kanyang weekly vlog na in-upload nitong Agosto 14, inihayag ni Pangulong Marcos na kung kailangan mang mag-angkat ng pamahalaan ng asukal, ay maaaring mangailangan lamang ng 150,000 metric tons (MT), kalahati ng 300,000 MT na naunang iminungkahi ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

“Maari bandang Oktubre, baka ‘yung supply na nandito sa Pilipinas ay paubos na. Baka sakali ay kailangan natin mag-import pero kakaunti lang. Hindi kasing dami ng kanilang sinasabi dati na 300,000 [metric] tons. Eh siguro malaki na ‘yung 150,000 [metric] tons para sa buong taon na ito,” pahayag ng Pangulo.

Nanindigan naman si PBBM na sapat ang suplay ng asukal sa ngayon.

Kaya hindi aniya kailangan ang mag-import sa kasalukuyan dahil magdudulot lamang ito ng hirap sa Filipino farmers.

Binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na prayoridad ng pamahalaan ang kapakanan ng mamamayang nasa sektor ng agrikultura.

Kaya’t sisikapin aniya ng gobyerno na unahin ang kanilang produkto bago mag-angkat sa ibang bansa.

“Nakita ko naman may sapat na supply dito na nandito na sa Pilipinas. So sabi ko, bakit di natin unahin ‘yan dahil ‘yan ay galing dito sa Pilipinas at meron na rin tayong na-import noon na naka-imbentaryo ngayon. So bago tayo mag-import ng panibagong asukal dapat sabi ko ubusin muna natin ang supply dito,” ani Pangulong Marcos.

Inihayag pa ng Chief Executive na iimplementa nito ang kaparehong polisiya sa iba pang usapin ng food imports gaya ng bigas at trigo.

Samantala, sinabi ni Pangulong Marcos na pangarap nitong wala nang magugutom na mga Pilipino.

Pangarap din ng Punong Ehekutibo na magkaroon ng kumikitang kabuhayan ang mga magsasaka at magkaroon ng seguridad at murang presyo ng pagkain.

Malinaw para sa Pangulo ang kahalagahan na direktang tutukan ang agrikultura at isaayos muli ang sistema rito.

Sa kabilang dako, nilalayon din ni Pangulong Marcos na tugunan ang panawagan para sa mas murang pataba o abono.

Ito ay sa tulong ng Department of Trade and Industry (DTI) at mga mangangalakal ng pataba sa lupa.

Saysay pa ng Pangulo, naghahanap ngayon ang pamahalaan ng non-traditional sources ng fertilizer.

Ibinahagi ng Chief Executive na mas makamumura ang pamahalaan kung ang negosasyon ay sa pagitan ng pamunuan ng mga bansa o government-to-government ang trading ng fertilizer.

Follow SMNI News on Twitter