Pamahalaan sisiguraduhin na may sapat na suplay ng baboy sa bansa

SA gitna ng pork holiday, siniguro ng Palasyo na ginagawa ng mga ahensiya ng gobyerno ang lahat upang siguraduhin na ang suplay ng mga produktong baboy ay sapat.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque sa isinagawang press briefing.

Isa sa mga hakbang na gagawin ng Palasyo aniya ay ang paglikha ng Economic Intelligence Task Force para habulin ang  mapagsamantalang  hoarders at price manipulators.

Dagdag rin ni DTI Secretary Ramon Lopez sa direktiba ng Malakanyang, magtutulungan ang  National Bureau of Investigation, Criminal Investigation and Detection Group, at ang The National Security Council, DA at ang DTI na pigilan at hulihin ang price manipulators at hoarders.

Maliban dito naglaan rin ng P600 milyong pondo sa repopulation program.

Ayon kay Agriculture Sec. William Dar na ang P600 milyong pondo ay nakalaan upang tulungan ang mga hog raisers, breeders at multiplier farms sa pagpadami ng suplay ng baboy.

Para sa mga commercial hog raisers ani Dar, may P27B budget para tulungang magsimula muli ang buong hog industry.

Dagdag rin ni Sec. Roque, magkakaroon din ng hog insurance na tutulong sa lokal na produksyon.

Maliban sa repopulation budget, magbibigay rin ng test kits sa mga lokal na pamahalaan upang mabilis makita ang African Swine Fever.

Patuloy pa rin ang bantay ASF sa barangay program ng Department of Agriculture upang masiguro ang kaligtasan ng mga baboy.

SMNI NEWS