TINIYAK ng gobyerno na maraming pagkukunan ng COVID-19 vaccines ang Pilipinas mula sa iba’t ibang manufacturers para matiyak na magkakaroon ang bansa ng sapat na bakuna para sa lahat ng mga Pilipino partikular ngayong taon.
Sinabi ni National Task Force Against COVID-19 chief implementer at vaccines Czar Carlito Galvez Jr. na sa ngayon, nasa advance stages ng negosasyon na ang Pilipinas sa manufacturers kagaya ng Novavax, AstraZeneca, Pfizer, Johnsons & Johnsons, Sinovac at Gamaleya.
Inaasahan naman na mai-closed deal na sa buwang kasalukuyan ang kasunduan sa pagitan ng Philippine government at mga nabanggit na kompanyang gumagawa ng bakuna.
Tiwala si Galvez na kapag nagkaroon na sila ng epektibong negosasyon ay magkakaroon na ang bansa ng mahigit 148 million doses ng COVID vaccine.
“Based on our current negotiations, we will be able to purchase at least 148 million doses from more or less seven manufacturers. However, it will be dependent on the global supply. Kung makikita po natin, countries have already procured, iyong rich countries have already procured more than 80% of the global supply,” pahayag ni Galvez.
AstraZeneca, nag-apply na rin para sa EUA ng kanilang bakuna sa FDA
Kaugnay nito, ibinahagi naman ni Food and Drug Administration Director General Eric Domingo na sa kasalukuyan, maliban sa kompanyang Pfizer BioNTech, nag-apply na rin ang AstraZeneca para sa emergency use authorization ng kanilang bakuna sa FDA.
Inaasahan naman na dedesisyunan na sa susunod na linggo ang aplikasyon ng Pfizer para sa EUA.
Ani Domingo, medyo madali na lang aniya ang ebalwasyon nila sa Pfizer sapagkat mayroon na itong EUA sa ilang mga bansa.
“Ang Pfizer po ang maganda rito, medyo madali po siyang i-evaluate dahil mayroon na siyang EUA galing sa United Kingdom, sa US, sa Canada, sa Switzerland, Singapore at iba pang bansa na alam po natin na very strict iyong kanilang regulation. Mayroon na rin po siyang WHO Emergency Listing na niri-recognize po ng ating bansa according to EO 121,” ayon kay Domingo.
Maliban sa Pfizer, may mga eligible pa na mag-a-apply ng EUA sa Pilipinas gaya na lamang ng AstraZeneca, Moderna, Sputnik V sa Russia, Sinovac at Sinopharm sa Tsina maging ang Bharat Biotech sa India na mayroon na ring EUA sa kanilang mga bansa.
Nananawagan naman ang vaccine czar na si Galvez sa mamamayang Pilipino na magtiwala sa pamahalaan kasabay ng pagtiyak na hinihigpitan nila ang proseso para masigurong ligtas ang lahat sa pagbabakuna kontra COVID-19.