Pamahalaan, tututukan ang pagtatayo ng Super Health Centers—DOH Official

Pamahalaan, tututukan ang pagtatayo ng Super Health Centers—DOH Official

MULING siniguro ng Marcos administration na hindi mahuhuli ang Pilipinas sa health care access.

Ininspeksiyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang lugar kung saan itatayo ang Clark Multi-Specialty Medical Center sa Pampanga.

Patunay na pagtutok ng kaniyang administrasyon sa upgrading ng health facilities ng bansa.

Ayon sa Department of Health (DOH), asahan ng taumbayan ang pagdami pa nito.

“Ang magiging priority ng Pangulo ay ang pagdami pa ng tinatawag naming Super Health Centers,” ayon kay Usec. Eric Tayag, Department of Health.

Tututukan ng administrasyon ang pagtatayo ng maraming specialty hospitals.

Sa layuning pagsilbihan ang mga nasa liblib at malalayong lugar.

Utos ng Pangulo, ipakalat ito hindi lang sa Metro Manila kundi sa mga probinsiya sa buong Pilipinas.

“Ang ating Pangulo ay ayaw nang mangamba ang mga kababayan natin na wala pa rin silang napupuntahang mga pasilidad para sa pangkalusugan lalo na na importante po ang naging epekto nito ngayong pandemic,” dagdag ni Tayag.

Sa ngayon, 17 pa lamang ang specialty hospitals ang meron tayo.

Mayorya pa naman dito ito ay naipatayo noon pang panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.

Nitong Marso, inisyu ni Pangulong Marcos ang Executive Order 19 para magtayo ng bagong heart center sa Clark.

Bagay na magpapabilis sa proseso para makapagtayo doon ng Super Health Centers.

“Magkakaroon ngayon sa Clark ng panibagong heart center, kidney center, lung center, at saka Children’s Medical Center,” ayon pa kay Tayag.

Kung may bagong ospital ang pamahalaan, dapat bago rin ang mga nars, doktor at medical and non-medical staff na magpapatakbo dito.

Pero ang problema, mas pinipili ngayon ng marami sa health workers ang mangibang bansa.

DOH, nanawagan sa mga nurse na magsilbi sa bayan

“Nakipag-ugnayan kami sa PRC at Philippine Nurses Association, andami nang nagtapos at pumasang nurses, kaya lang ang tanong nasaan kayo?” ani Tayag.

“Nasaan kayo? Kailangan kayo ng ating bansa. Pumunta na kayo sa amin sapagkat hinihintay namin kayo sa matagal na panahon,” aniya.

Magpapatuloy ang pagtutok ng administrasyon sa primary healthcare ng mga Pilipino.

Nauna nang sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na magiging proactive ang DOH sa ilalim ng kaniyang pamumuno.

Bagay na isusulong ng DOH sa paparating na budget season.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter