KINONDENA ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nangyaring pambobomba sa isang pampasaherong bus sa Parang, Maguindanao.
Nangyari ang insidente noong Linggo ng umaga na ikinasugat ng apat na pasahero na ngayon ay nagpapagaling na sa ospital.
Ayon sa LTFRB, patungong Pagadian City ang ruta ng tour bus sakay ang 23 pasahero nang sumabog ang isang improvised explosive device (IED).
Kaugnay nito, nanawagan ang LTFRB sa publiko na agad dumulog sa mga awtoridad sakaling mayroon silang impormasyon tungkol sa suspek ng pagsabog.
Nanawagan rin ang ahensya sa mga bus operators at land transport terminals na higpitan ang kanilang seguridad at laging makipag-ugnayan sa law enforcers.