Pamilya Dacera, kinuwestyun ang ulat na natural death ang ikinasawi ni Kristine

KINUWESTYUN ng pamilya ni Christine Dacera ang huling ulat ng Philippine National Police (PNP) na natural death ang ikinamatay ng dalagang flight attendant.

Ayon sa ulat ng PNP, namatay sa natural death si Dacera taliwas sa pinaniniwalaan ng pamilya na pinagsamantalahan ito bago namatay.

Ayon pa sa abugado at spokesperson ng Pamilya Dacera na si Atty. Brick Reyes, may mga irregularities itong nakita sa ulat na isinumite ng PNP bilang ebidensiya sa Makati prosecutors office.

Ang nasabing ulat ay nilagdaan ni Medico Legal Officer Police Lieutenant Colonel Joseph Palmero, na nasawi si Christine dahil sa ruptured aneurysm sa kanyang aorta, pinakamalaking artery sa katawan ng tao, na na-trigger dahil sa pagtaas ng blood pressure.

Dagdag pa ni Reyes, hindi personal na tiningnan ni Palmero ang katawan ni Dacera.

Ani Reyes, hindi rin nagpaalam sa Pamilya Dacera ang mga ito bago magsagawa ng imbestigasyon sa katawan nang nasawing flight attendant.

Sa ngayon, ani Reyes, mas mainam pa na hintayin nilang resultang isinasagawa ng National Bureau of Investigation.

Naniniwala rin sila na malusog si Dacera habang nagtatrabaho sa Philippine Airlines.

Ayon naman sa ina sa isa sa mga respondents, masakit mawalan ng isang anak na babae ngunit hindi ito lisensya para magbentangan ang mga ito nang mga bagay na hindi nila ginawa.

Aniya, hindi rin makatarungan na paratangan sila na nakikipag-ugnayan sila sa nagsagawa ng autopsy ng bangkay ni Christine at sa Philippine National Police.

SMNI NEWS