Pamilya ng OFWs na nasawi sa COVID-19, makatatanggap ng benepisyo

Pamilya ng OFWs na nasawi sa COVID-19, makatatanggap ng benepisyo

ENTITLED o may karapatang makatanggap ng insurance benefits ang mga pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs) na nasawi sa COVID-19.

 

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, aabutin sa P750,000 hanggang P900,000 na halaga ng insurance benefits ang maaaring matanggap ng mga pamilya ng OFWs.

 

Sinabi ng kalihim na malaki ang matatanggap na benepisyo ng mga ito dahil nasawi ang mga OFW sa virus at hindi dahil sa natural death.

 

Bukod pa aniya ito sa death at burial benefits ng OFWs mula sa OWWA o Overseas Workers Welfare Administration.

 

Matatandang ipinangako ng Philippine government na iuuwi ang mga labi ng 301 OFWs mula Saudi Arabia, kabilang ang 152 na nasawi sa COVID-19.

 

DOLE, humingi ng extension sa Saudi Arabia

 

Humihingi ngayon ng extension ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Kingdom of Saudi Arabia para palawigin ang deadline ng pagpapauwi sa 274 na mga labi ng mga OFWs na nasawi sa naturang bansa.

 

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, dahil sa mga protocols ng Saudi government, Ministry of Health at ng mga ospital na kinaroroonan ng mga labi, malabo nang maiuwi ang mga nasawing OFWs bago mag-Hulyo 4.

 

Dahil dito, sinabi ni Sec. Bello na nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa KSA para sa nasabing extension.

 

Paglilinaw naman ng kalihim na titiyakin nilang mai-uuwi pa rin ang mga labi ng mga OFW.

 

Una nang sinabi ng DOLE na nasa 301 na ang nasawing OFWs sa Saudi dahil sa COVID-19 at natural causes kung saan mahigit 20 na ang nailibing doon.

 

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.