Pamilyang nagpositibo sa COVID-19 matapos mag-party sa Navotas, kinasuhan

Pamilyang nagpositibo sa COVID-19 matapos mag-party sa Navotas, kinasuhan

TULUYAN ng sinampahan ng kaso ng Navotas City Police ang pamilyang nagpositibo sa COVID-19 matapos magdaos ng kasiyahan sa kabila ng umiiral na community quarantine.

 

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, nasa 17 residente ng H. Monroy St., Brgy. Navotas West ang kinasuhan dahil sa pagdalo sa isang party noong May 14, 2020.

 

Matatandaan na sa mga panahong yaon mahigpit na ipinagbabawal ang anumang pagtitipon-tipon para ma-contain ang COVID-19 virus.

 

Nakasaad sa inihaing reklamo na paglabag iyon ng Article 151 ng Revised Penal Code, Section 9 ng RA 11332, RA 9271 at Omnibus Guidelines on the Implementation of Community Quarantine.

 

“Sa pagsawalang-bahala ng pamilya sa ipinatutupad na safety regulations, nilagay nila sa panganib ang kanilang buhay pati na ang buhay ng lahat ng mga nakatira sa H. Monroy. Dahil sa kawalan nila ng pag-iingat, nabalewala ang ating pagsisikap na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at pagsisiguro na ligtas ang ating mamamayan,” ayon kay Mayor Tiangco.

 

Matatandaan sinailalim ng pamahalaang lungsod ng Navotas ang H Monroy sa lockdown noong June 11, 5:01am, hanggang June 24, 11:59pm, matapos  magpositibo sa COVID-19 ang 14 sa mga residente nito.

 

Sa 14, anim ang dumalo sa birthday ng isang miyembro ng pamilyang nakumpirmang positibo sa COVID-19.

 

“Sana magsilbi itong maghigpit na babala sa mga sumusuway: Kahit hindi namin kayo naaktuhan, sasampahan namin kayo ng kaso pag napag-alaman sa imbestigasyon na lumabag kayo sa quarantine order,” dagdag ng alkalde.

 

Samantala, patuloy din ang pag papaalala ng City Govt sa mga Navoteneo na sundin ang Face Mask Ordinance sa lungsod para manatiling ligtas sa sa banta ng COVID-19 at maiwasang pagmultahin.

 

Nakasaad sa City Ordinance 2020-23 na may kaukulang multa at parusa ang paglabag sa batas ukol sa pagsusuot ng mask at pagdistansya ng 1-2 metro mula sa mga kasama.

 

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.