Pamumulitika gamit ang AICS at TUPAD program ng pamahalaan, pinuna ni dating PGen. Albayalde

Pamumulitika gamit ang AICS at TUPAD program ng pamahalaan, pinuna ni dating PGen. Albayalde

ISA sa hangarin ng pamahalaan ang matugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan kung kaya naman patuloy ito sa pagbuo ng mga programang lubos na makatutulong sa sambayanang Pilipino na minsa’y ginagamit ng mga politiko sa pangangampanya.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News North Central Luzon kay former Philippine National Police (PNP) chief Ret. PGen Oscar “Oca” David Albayalde, isa aniya sa napakagandang programang binuo ng pamahalaan ay ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced workers (TUPAD) program na lubos na nakatutulong sa ating mga mahihirap na kababayan.

Ngunit sa kabila ng pagmamalasakit na ito ng pamahalaan ay sinasamantala at ginagamit naman ng ilang mga nasa katungkulan ang mga programang ito ng gobyerno sa pamumulitika at personal na interes.

“Of course dumadaan ‘yan sa mga barangay captains natin, sa mga local chief executive. So, parang kung minsan po nagiging form of political ano pa, pamumulitika pa ng mga tao kaya akala ng mga tao ay nanggagaling sa mga nakaupong nanunungkulan, hindi nila alam ‘yan ay galing sa gobyerno kasi kung minsan marami tayong nakikita din at nababalitaan na ‘yung mga local chief executive ayaw nilang may namimigay ng AICS na hindi dumadaan sa kanila. So, parang ang lumalabas sa mga tao parang utang na loob nila sa mga local chief executive,” ayon kay former PNP Chief Ret. PGen. Oscar “Oca” David Albayalde.

Ayon kay Albayalde, kinakailangang magkaroon ng audit ang nasabing programa upang malaman kung sino nga ba ang dapat magbigay at ang benepisyaryo ng programang ito ng gobyerno.

“Ang nakalagay po dito ‘yung mga taong sumasailalim sa krisis, ito ‘yung mga poorest of the poor kung tawagin, meron din naman po tayong nakikita na kung minsan ‘yung nabibigyan ng AICS, ‘yung mga leaders nila na political leaders nila on the ground. So, kailangan po talagang Makita ito, magkaroon ng some sort of an audit, hindi po kasi maganda na ‘yung pondo ng gobyerno ay nagagamit sa pamumulitika,” dagdag ni Albayalde.

Layunin din aniya ng AICS na mabigyan ng maayos na edukasyon ang mga mahihirap na mag-aaral upang magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga ito.

Dagdag pa ng dating PNP Chief, kinakailangang maibigay sa mga karapat-dapat ang programang ito ng gobyerno.

“Sabi ko nga, sana mabigay talaga doon sa mga taong dapat mabigyan, marami po tayo talagang naririnig na kung sino nabigyan, kung sino pa ‘yung may kaya, kung sino pa ‘yung mga hindi naman talaga nangangailangan sila ang nagbe-benepisyo dahil kamag-anak siya ng kapitan, kamag-anak siya ng kagawad, kamag-anak siya ng mayor, kamag-anak siya ng congressman,” ani Albayalde.

 Pagdidiin ni Albayalde na hindi kailanman mawawala ang mga programang ito ng gobyerno kahit sino pa ang nasa katungkulan, ang nararapat aniya’y maibigay sa mga tunay na benepisyaryo ang mga tulong at serbisyo ng pamahalaan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble