NANINDIGAN si Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ, sa pagiging matalino ngayon ng mga Pilipino sa pagpili ng mga tamang tao.
Kasabay ng pagkamatay ni dating Pangulong Noynoy Aquino, nakiusap din ang butihing Pastor na hindi sana aniya magamit ng mga taga oposisyon ang pagkamatay ni PNoy para sa pamumulitika.
“Isang pamumulitika lang ito.”
Ito ang paniniwala ni Pastor Apollo matapos na maglabas ng sentimyento si dating Senator Bam Aquino at pinsan ng namayapang dating pangulong Benigno Noynoy Aquino III.
Ayon sa batang Aquino, masama aniya ang loob ni PNoy sa mga nangyayari sa bansa noong nabubuhay pa ito.
Pero ayon kay Pastor Apollo, huli na ang lahat at dapat noon pa nito ginawa ang dapat niyang gawin para sa bayan.
“Sorry lang…sa aking opinyon, hindi ako naniniwala doon. There just politicizing it so that maka-gain ng simpatiya sa tao. Pero hindi na siya ang pangulo, eh bakit noong pangulo pa siya hind sumakit ang loob niya sa mga nangyayari. Pasintabi naman sa namatay na siya pero ngayon pa sasakit ang loob niya na hindi na siya ang pangulo, wala na sa kanyang kamay ang responsibilidad? Hindi kapani-paniwala ‘yun,” pahayag ng butihing Pastor.
Nauna nang sinabi ni Bam na noon pa nais na magmungkahi ang dating pangulo pero dahil sa mas pinili nitong manahimik na lang matapos bumaba sa pwesto kung kaya’t hindi na ito narinig na nagkomento sa mga usaping panglipunan.
Aniya, ilan sa mga inalala ng dating pangulo ay ang mga pangunahing isyu sa bansa, gaya ng usapin sa Tsina, estado ng kahirapan ng mga Pilipino, fake news at kasalukuyang pandemya.
“Noong panahon pong ‘yun ano siya worried siya sa bansa, kabado siya sa bansa, may pangamba siya tungkol sa ating sitwasyon and alam ko pong dinidibdib niya po ‘yun. Mula sa mga nangyari sa Tsina hanggang sa kalagayan ng maraming Pilipinong naghihirap ngayon, ‘yung mga nangyayari sa ating politika, ‘yung nangyayari sa fake news mabigat sa kanya ‘yun eh. I’ll admit it mabigat sa kanya although pinili niya na…sabi kasi niya nangako siya na manahimik siya ‘pag step down niya at sinunod niya ang pangakong ‘yun. Pero mabigat sa kanya ang pangyayari sa ating bansa,” pahayag ni Ban Aquino.
Pero ayon kay Pastor Apollo, ang pagkamatay ni PNoy ay hindi sana magamit sa pamumulitika upang makahikayat ng simpatiya ng publiko.
“Para sa akin, opinyon ko lang na politicizing the situation para maka-gain ng simpatiya sa tao na sisisihin mo ang gobyerno lalo kang mahahalata na pamulitika ‘yun. Hindi na ‘yun kakagatin ng mga tao,” ani ni Pastor Apollo.
Hindi rin ito nakaligtas sa obserbasyon ng maraming netizen kasabay ng pagsang-ayon ng mga ito sa pahayag ng butihing Pastor.
Anila, hindi na kayang bulahin ng dating administrasyon ang tao dahil sa mga hindi kanais-nais na nangyari sa ilalim ng pamunuan nito mula sa usapin sa mga OFW, sa isyu ng Dengvaxia, pagkamatay ng SAF 44 sa nangyaring Mamasapano massacre at marami pang iba.
Kasabay rin ng pakiusap kay Bam na itigil na muna nito ang pamumulitika bilang paggalang na rin sa namayapang kaanak nito dahil unti-unti nang bumabangon ang bansa sa ilalim ng Duterte Administration.