PATOK tuwing panahon ng tag-init ang iba’t ibang beach destination dito sa Pilipinas.
Hanap mo ba ang mala-bughaw sa ganda ng kulay na karagatan at mala-perlas sa puti na buhangin ng dagat?
Ihanda na ang iyong beach list para sa plano mo sa paparating na bakasyon lalot pormal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagtatapos ng Amihan.
Paliwanag ng PAGASA, nagbago na ang wind pattern mula sa northeasterly at paglakas ng air temperature sa maraming bahagi ng bansa.
‘‘‘Yung high pressure nandito na sa may Pacific kasi ‘yun ang nagdadala ng warm na easterlies na hangin, nag i-increase na ‘yung temperature o gradually increasing na, isa ‘yun sa nagsi-signify na tapos na ‘yung Amihan season,’’ pahayag ni Juanito Galang, Chief, Weather Division, PAGASA.
‘‘Kapag tumingin tayo sa kalangitan ay kulay blue ‘yung ating kalangitan, kakaunti ang kaulapan. Therefore, hindi masyadong mag-uulan so direkta ang init ng araw,’’ ayon kay Ana Liza Solis, OIC, Climatology and Agrometeorology Division, PAGASA.
Ibig sabihin ng PAGASA, hudyat na ito ng pagsisimula ng ‘warm at dry season’ o panahon ng tag-init na tatagal sa buwan ng Mayo.
Ngunit, magkakaroon pa rin anila ng madalas na localized thunderstorms tuwing hapon at gabi.
Inaasahan na makararanas ng mas maraming bilang ng tuyo at mainit na temperatura sa mga susunod na araw dahil umiiral pa rin ang El Niño Phenomenon sa bansa.
‘‘Yung medyo mainit na temperatura, we could get as high as 40-degree Celsius at maaaring mangyari ‘yun diyan sa parte ng Cagayan Valley Region.
‘‘During heat index po inaasahan natin during the months April, actually mas mataas pa ‘yung month ng May, umaabot siya ng ‘yung danger level 42 up to 52-degree Celsius na heat index at ‘yung extreme danger is 52 and above degree Celsius of heat index,’’ ayon pa kay Solis.
Tinututukan din ng PAGASA ang magiging epekto ng mas matinding init ng araw partikular sa usapin ng suplay ng tubig ngayong patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Nabatid na sa Angat Dam kumukuha ng suplay ng tubig ang higit 90% ng kabahayan sa Metro Manila at karatig lalawigan.
‘‘If we have less rainfall so maliit ‘yung chance na mareplenish ‘yung ginagamit natin, o ‘yung pinaggagamitan nitong tubig ng mga dams na ito like for the past 3 months ay halos wala pong significant na pag-ulan within the watershed ng Angat,’’ ayon kay Rosalie Pagulayan.
Sa datos ng PAGASA, as of 6 am ng Marso 22, aabot na lamang sa 200.57 meters ang lebel ng tubig sa naturang dam na malayo sa 212 meters normal water level.
Nababahala ang PAGASA dahil posibleng mas sumadsad ito sa 180 meters sa mga susunod pa na mga buwan.
‘‘Kung the same allocation kung hindi babawasan ‘yung allocation may possibility na mid-June ay puwede na ito pumalo sa 180 meters and below, nasa low water level na tayo. Critical low level na 160 meters, no. Hindi po natin aabutin ‘yun,’’ saad ni Richard Orendain, Hydrologist, PAGASA.
Makaaasa pa rin ang publiko na mayroon pa ring sapat na suplay ng tubig dahil na rin sa ginagawang interbensiyon o hakbang ng pamahalaan.
Nanawagan ang PAGASA sa publiko na maging masinop sa paggamit ng tubig sa harap ng banta ng El Niño at matinding init ng panahon.
Isa pa sa ipinunto ng PAGASA na marami ang maaaring makuhang sakit tuwing panahon ng tag-init tulad ng heat store.
Kaya, paalala sa publiko.
‘‘Mga simple hakbang kagaya ng palaging pag-inom ng tubig, iwasan ang mahabang exposure sa init araw at iba pang hakbang lalong-lalo na ang mga payo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan,’’ pahayag ni Nataniel Servando, Administrator, PAGASA.