ISINUSULONG ngayon sa Kamara ang isang panukalang batas na magdedeklara sa Panaon Island sa Southern Leyte bilang isang protected area.
Sa katimugang bahagi ng Leyte, matatagpuan ang isla ng Panaon.
Binubuo ito ng mga bayan ng Liloan, San Francisco, Pintuyan, at San Ricardo.
Batay sa pag-aaral ng Oceana Philippines, isang non-government organization at international advocacy organization na nakatuon sa pagprotekta sa mga karagatan ng mundo, natuklusan na ang nasabing isla ay may mataas na coral cover o tumutukoy sa dami ng mga corals na matatagpuan sa lugar.
Kaya naman itinuturing itong isa sa mga priority reefs sa buong mundo.
“This coral cover is rare na siya sa Pilipinas. Kasi ang national coverage natin ng corals sa Pilipinas is 22% na lang. Pag pumunta ka sa Panaon, nasa 50 to 60%. So that’s why it’s really important to protect the place na ganito,” ayon kay Marianne Saniano, Marine Scientist, Oceana Philippines.
Mahalaga ang mga coral dahil nagbibigay ito ng tirahan, pagkain, at proteksiyon sa iba’t ibang uri ng marine life sa lugar.
Kaya naman sa pakikipagtulungan ng Oceana, isinusulong ngayon ni Southern Leyte, 2nd District Cong. Christopherson ‘Coco’ Yap ang isang panukalang batas na gawing protected area ang Panaon Island sa ilalim ng Expanded National Integrated Protected Areas System Act (RA 11038).
Layon ng House Bill 6677 ng mambabatas ay hindi lamang ang proteksiyon ng mga karagatan ng Panaon at ang iba’t ibang marine life sa lugar kundi pati na rin ang tiyakin ang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
“Nakita talaga natin na with the triangle of coral reef na nandito that will withstand sa impact sa climate change not only sa bayan namin, or sa country natin but also for the whole region, Asia region.”
“Ito yung nakita na coming from Singapore, Indonesia, Malaysia, this area has been recognize as one of a biodiverse ng corals, we have endemics na sea creatures na nandito, flora and fauna na dito lang makikita sa area namin,” ayon kay Rep. Coco Yap, 2nd District of Southern Leyte.
Upang makakuha ng sapat na suporta mula sa mga mambabatas, isang exhibit tungkol sa Panaon Island ang inilunsad sa North Wing Lobby ng House of Representatives.
Dito makikita ang iba’t ibang uri ng kalikasan at biodiversity na matatagpuan sa isla ng Panaon.
Hindi lamang ito nagbibigay ng pag-asa sa mga residente kundi ipinagmamalaki rin ito sa buong mundo.
Ang lugar na ito na pinaglalaban ni Cong. Yap ang isa rin sa pinakamagandang dive sites sa buong mundo at may potensiyal na maglikha ng ‘green jobs’ kapag nagawang buo itong i-develop bilang isang sustainable tourism destination katulad ng Siargao at Boracay.
“Nakita namin na if we don’t take action now kailan pa? If wala nang makikikita. And this is not para sa atin ngayon but for the next generation na makikita pa nila yung mga magagandang corals pa natin that will also benefit, our fisher folks in that area. And promote green jobs also, dahil yun ang purpose namin na maprotektahan at the same time, we can generate green jobs para sa mga tao namin sa area,” dagdag ni Yap.
Sa ngayon ayon kay Yap, ang nasabing panukalang batas ay pasado na sa committee level at hinihintay na lang na umabot sa plenaryo.
Noong Enero 2023, isang katulad na panukalang batas din ang isinumite ni Sen. Cynthia Villar sa Senado, ang Senate Bill 1690.