Panawagang pagsuspinde sa paniningil ng business tax, suportado ng DOT

SUPORTADO ng Department of Tourism (DOT) ang hirit ng tourism stakeholders pansamantalang pagsuspinde sa business tax ngayong taon dahil sa pandemya.

Bilang pagsuporta, pormal na inindorso ni DOT Sec. Bernadette Romulo-Puyat ang nasabing panawagan sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Sa isinumiteng liham ng kalihim, ipinare-review nito ang hiling ng Tourism Congress of the Philippines at Philippine Travel Agencies Association na pagsuspinde sa local business tax payment.

Bukod dito, inilapit din ni Puyat sa DILG ang pagpapalawig ng filing ng business permits.

Ibinahagi din ng kalihim ang natanggap nitong reports hinggil sa ilang local government units na nagpapataw ng assessment fees para sa business taxes bilang bahagi ng requirements ng business permit renewal.

Paliwanag pa ni Puyat, pinagbabasehan pa rin sa mga bayarin ang kita ng mga negosyo noon pang 2019 sa kabila ng pagbagsak ng mga ito noong nakaraang taon dahil sa krisis dulot ng pandemya.

SMNI NEWS