SUPORTADO ng Palasyo ng Malacañang ang panawagan ng mga consumer na tangkilikin ang “alternative protein choices” sanhi ng pork protest.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa regular press briefing nito.
“Sa parte naman ng mga consumers, meron po silang mga advocacy na kumain muna ng alternative protein choices,” pahayag ni Roque.
Bagama’t suportado ng Palasyo ang advocacy na alternative pork choices ngunit nakikiusap ito sa mga nagtitinda ng baboy na huwag pabayaan ang responsibilidad sa tamang pagtitinda.
Sa ngayon, mag-aangkat muna ang gobyerno ng mga karne ng baboy mula sa Mindanao, Visayas at sa ibang lugar sa Luzon na ‘di apektado ng African swine flu.
“Sa katunayan, nakipagkasundo na po tayo sa isang grupo ng swine producer sa South Cotabato na magsusuplay sila ng 10-K of heads of hogs kada linggo para sa Metro Manila,” ani Roque.
Paglilinaw ni Roque, ang gobyerno ang bahalang magpapakalat nito sa mga merkado ng Metro Manila.