MAY banat si Atty. Salvador Panelo laban sa ilang grupong nagsasabing isa umanong banta si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung sakaling mabigyan ito ng interim release ng ICC.
“Kalokohan ‘yung sinasabi nang pag binigyan mo ng release temporarily ang pangulong Duterte, ay nanganganib, manganganib ang buhay ng mga testigo,” ayon kay Atty. Salvador Panelo.
Ayon kay dating chief presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo, walang basehan ang alegasyong manganganib umano ang buhay ng mga testigo kung sakaling pansamantalang palayain si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa International Criminal Court o ICC.
“Hindi po totoo iyan. Kasi ang sabi daw, ang Pangulong Duterte daw na naging presidente ng bansa ay malakas pa ang impluwensya, at maaring gumawa ng hakbangin na manganganib ang buhay ng mga testigo,” saad ni Atty. Salvador Panelo.
Ani Panelo, kahit noong nasa puwesto pa si dating Pangulong Duterte at hawak ang lahat ng kapangyarihan at yaman ng gobyerno, ay wala naman itong ginawang hakbang para saktan ang mga nagsampa ng kaso laban sa kanya sa ICC.
“Ngayon pa, eh kung noon kayang kaya niyang gawin, bakit hindi niya ginawa. Ibig sabihin kasi nga, malinis ang kanyang konsyensya,” ani Panelo.
Bukod pa rito, alam naman daw ni Duterte na ang mga kaso laban sa kanya ay parte lamang ng mga galaw sa politika para siya’y patalsikin sa puwesto at patigilin ang kanyang war on drugs sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Dagdag din ni Panelo, isa sa mga dahilan kung bakit patuloy ang paghabol sa dating pangulo ay dahil nananatili itong malaking impluwensya sa politika, lalo na sa nalalapit na halalan sa 2028 kung saan sinasabing posibleng tumakbo si Vice President Sara Duterte sa pagkapangulo.
Kasabay ng mga pahayag ni Panelo, umaasa rin si Vice President Sara Duterte na mabibigyan ng pansamantalang paglaya ang kanyang ama habang dinidinig pa ang mga kaso nito sa ICC.