Panelo sa imbestigasyon ni Imee kay Duterte: May halong politika

Panelo sa imbestigasyon ni Imee kay Duterte: May halong politika

NAGPAHAYAG si Atty. Salvador Panelo hinggil sa pagsasagawa ni Sen. Imee Marcos ng imbestigasyon ukol sa umano’y ilegal na pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, at iginiit na may halong politika ang motibo sa likod nito.

“‘Yung pagtanggi ni Pangulong Marcos Jr. sa pahayag ng kanyang kapatid natural lang ‘yun, alangan namang um-oo siya,” pahayag ni Atty. Salvador Panelo, dating Chief Presidential Legal Counsel.

Para kay Panelo, wala nang makukuhang bagong impormasyon sa mga ginagawang pagdinig sa Senado ngayon na pinangungunahan ni Sen. Imee Marcos.

“Lahat ng natuklasan doon ay alam na ng lahat, sinasabi na ilegal ay dating namang ilegal, marami nang nagsabi niyan—programa natin, programa ng iba,” giit ni Panelo.

Naniniwala rin si Panelo na may halong politika ang motibo ni Imee Marcos sa pagsasagawa ng nasabing imbestigasyon.

“Dahil sa pagkabagsak ng kanyang rating kaya nga makakuha siya ng boto dahil nga sa kanyang patumpik-tumpik o pabago-bago at mamangka sa dalawang ilog kaya nasira siya doon. Kaya bumagsak ang kanyang rating, kailangan niyang bumawi so nagpaimbestiga siya at doon siya nagpapapel para makuha niya ang boto. Hopefully, sa kanyang pananaw makabawi siya,” ani Panelo.

Kinuwestiyon din ni Panelo ang mga naging hakbang ng gobyerno ng Pilipinas na nagresulta sa pagdakip kay dating Pangulong Duterte.

Muli niyang binigyang-diin na ang pagsuko ng isang mamamayang Pilipino sa kamay ng mga dayuhan ay wala na sa interes ng publiko sapagkat mayroon namang malusog na sistemang legal ang bansa.

Sa ngayon, nananatiling mainit ang usapin sa pag-aresto kay Duterte at tila hindi pa nagtatapos ang isyu dito.

Para sa ilan, maaaring isa lamang itong larong pampolitika, pero para sa mga tunay na nagmamalasakit sa bayan, ito ay usapin ng prinsipyo at hustisya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble