Pang-aabuso sa mga kababaihan sa loob ng hanay ng CPP-NPA, pinatotohanan ng dating lider ng Gabriela

Pang-aabuso sa mga kababaihan sa loob ng hanay ng CPP-NPA, pinatotohanan ng dating lider ng Gabriela

ISINIWALAT ng isang babae na dating lider ng New People’s Army (NPA) at Gabriela ang kaniyang dinanas mula sa kamay ng naturang komunistang teroristang grupo.

Ayon kay Arian Jane Ramos alias Ka-Marikit, dating secretary ng NPA Guerilla Front (GF) 55, Sub-regional Committee 5 (SRC)- Southern Mindanao Regional Command (SMRC), at dating chairperson ng Gabriela Youth sa University of the Philippines Mindanao, panloloko at panggagahasa ang iilan lamang sa ginagawa ng mga komander sa mga babaeng NPA.

“Marami kasing kwento doon sa loob ng kilusan na may isang komander na kahit sino lang yung naging asawa niya. Objectively speaking, pagpunta ko sa isang community, nakita ko talaga at nakilala ko talaga yung iba’t ibang babae na naanakan niya,” wika ni Ramos.

“So, yung konsepto na ikaw ay kadre ng NPA – yung ‘macho thinking’ na ‘ako ay isang komander, I have the right nag mag-exploit ng mga kababaihan, I have the right na kahit sino pwede kong gamitin,” dagdag nito.

Saad din ni Ramos na ang mga kakababaihang nabiktima ng sexual harassment, verbal harassment at/o rape sa loob ng kilusan ay hindi nabibigyan ng hustisya.

Sinabi rin nito na magkaibang-magkaiba ang buhay ng mga kababaihang NPA na nasa siyudad at ng mga nasa kabundukan.

“Napaka-unfair sa amin na mga kababaihang nasa kabundukan, humahawak ng armas (kasi) yung mga nasa legal fronts like Gabriela, kahit ano pa ang deny nila…ay masaya ang buhay …compared sa mga nangyayari sa amin doon sa loob mismo ng kilusan na sumabak sa armadong pakikibaka,” ani Ramos.

Samantala, inihayag din ni Ka Ruffa, isa ring dating NPA, ang naranasan nitong hindi makataong pakikitungo sa loob ng kilusan.

Aniya, ipinagbabawal ng kilusan na makasama ng mga ina ang kanilang mga anak.

Nagdesisyon rin ani Ka Ruffa ang kanyang sariling ama na isa ring miyembro ng naturang komunistang terorista grupo na ipapatay na lamang siya.

“Parang napupuno na yung komander sa akin. Hindi naman kaya ng komander na barilin ako kasi andyan ang mama at papa ko kaya sabi niya (sa papa ko) ‘ikaw na bahala sa anak mo’”, aniya.

“Yung pinili ng papa ko yung rebolusyon at sinabing ‘patayin na lang natin yan kasi isa lang iyan’. Doon ako parang nabagsak kasi papa ko siya tapos nagsabi ng ganoon?” dagdag nito.

Tinutukan na aniya siya ng baril ng kanyang ama pero hindi natuloy ang pagpaslang sa kanya dahil napagtanto ng kanilang kasamahan na maaaring makuwestiyun ito ng iba.

“Sinabi ng kasama namin (sa tatay ko) na ‘huwag mo ‘yang gawin kasi (baka kung) ano ang masasabi ng mga komander, ng mga kasama nating member, at ng mga masa natin’…kaya binitawan ng papa ko,” ani ni Ka Ruffa.

“Alam ko naman na mahal ako ng papa ko (pero) nadadali lang siya sa mga komander doon sa mga propaganda nila na hindi unahin ang pamilya, kundi ang rebolusyon,” dagdag nito.

Saad din ni ni Ka Ruffa, nakaranas ng panggagahasa ang kanyang kapatid sa edad lamang na kinse at ang suspek ay kanilang komander.

Follow SMNI NEWS in Twitter