INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na bantayan ang quarantine hotels.
Sa Talk to the People ni Pang. Duterte kagabi, binigyang diin nito na mas may kapangyarihan ang government personnel para pigilan ang mga naka-quarantine na huwag lumabas.
Iminungkahi din nito na maglagay ng tig-dadalawang pulis sa mga quarantine hotel upang matiyak na walang tatakas.
Kaugnay naman nito, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na labag din sa batas ang pagpapabaya ng mga hotel employees sa ipinatutupad na mga panuntunan sa pag-quarantine.
Responsibilidad din aniya ng mga hotel personnel na tiyaking hindi lalabas ang mga naka-quarantine bilang pakikiisa nito sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Dapat aniya silang magsumbong sa awtoridad kung may mga naka-quarantine na lumalabag sa batas.
PNP, magsasagawa ng surprise visit sa mga establisyemento at quarantine hotels
Samantala, magsasagawa ng mga surprise visit ang Philippine National Police (PNP) sa mga establisimyento at quarantine hotels sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3 kontra COVID-19.
Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, layunin nitong matiyak na mahigpit na nasusunod ang health protocols lalo na sa National Capital Region (NCR).
Ito ay kasunod ng direktiba ni Interior Secretary Eduardo Año sa PNP matapos ang paglabag sa quarantine protocols ng balikbayan at tinaguriang “Poblacion Girl” na si Gwyneth Anne Chua.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa iba pang enforcement agencies sa imbestigasyon sa umano’y pagsasabwatan ng mga hotel at mga balikbayan upang makalusot sa mandatory quarantine.
Ngayong hapon, nakatakdang sampahan ng reklamo ng PNP Criminal Investigation And Detection Group (CIDG) si Chua gayundin ang kanyang mga magulang at ilang empleyado ng Berjaya Hotel Makati kasunod ng insidente.