TITIYAKIN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ligtas ang mga COVID-19 vaccine para sa mga mamamayang Pilipino.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang regular press briefing ng Malacañang Palace.
“Pagtiyak ng pangulo, wala pong mababakuna o gagamiting pagbakuna sa ating mamamayan na hindi napatunayang safe, sure and secure,” pahayag ni Roque.
Ani Roque, aakuin ni Pangulong Duterte ang responsibilidad kung mayroong problema sa mga biniling COVID vaccine.
Paglilinaw ni Roque, oras na ma-aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga bakuna, ito ay nangangahulugan na ito ay ligtas para sa mga Pilipino.
Binibigyan naman ng kalayaan ng national government ang mga local government unit (LGU) sa pagbili ng kanilang sariling bakuna ngunit dapat aprubado ng FDA.
Sa ngayon, minamadali na ng gobyerno na magkaroon ng Sinovac COVID-19 vaccine sa Pebrero sanhi na rin nang nakapasok na bagong COVID-19 variant sa bansa mula sa United Kingdom.
Samantala, tiniyak ng Department of Finance (DOF) na mayroon nang pondo ang gobyerno para sa COVID-19 vaccine ng 50 milyong Pilipino.
Ayon kay DOF Sec. Carlos Dominguez III, may nakalaan nang P75 bilyon ang DOF para sa P82.5 bilyon na kakailanganin para sa bakuna.
Paliwanag ng kalihim, P70 bilyon dito ay uutangin ng gobyerno, P2.5 bilyon ay huhugutin sa 2021 budget ng Department of Health habang P10 bilyon mula sa Bayanihan 2.
Kabilang sa mga uutangan ng Pilipinas ay ang Asian Development Bank (ADB), World Bank (WB) at Asian Infrastructure Bank (AIIB).