Pangalawang autopsy result sa katawan ni Dacera, posibleng may malaking tulong sa imbestigasyon

NANINIWALA pa rin si Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na ang pangalawang autopsy result sa katawan ni Christine Dacera ay malaking tulong pa rin sa ginagawang imbestigasyon.

Ito ay matapos iutos ni Guevarra sa National Bureau of Investigation na magsagawa ng pangalawang autopsy sa katawan ni Dacera na natagpuang patay sa bathroom ng isang hotel sa Makati.

Inihayag din ni Guevarra na nagtungo ang NBI sa Gen. Santos City para kumuha ng tissue samples mula sa katawan nang yumaong si Dacera.

Bagama’t aminado na mahirap ang gagawing imbestigasyon dahil sa kalagayan ng katawan ni Dacera, may pag-asa pa rin aniya ito.

Sa ngayon, binigyan ng sampung araw ni Guevarra ang NBI para magsumite ng ulat hinggil sa resulta ng pangalawang autopsy ng katawan ni Dacera.

Ayon naman kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, na kahit imposible na ang pagkuha ng ebidensya mula sa katawan ng nasawing flight attendant ay patuloy pa rin nilang isagawa ang pag-autopsy nito.

“Alam namin na medyo imposible na, considering that there had already been compromises. Compromised na ‘yung ibang pieces of evidence dito, considering na contaminated na, nag-deteriorate na, nagkaroon na ng rapid deterioration ‘yung ibang ebidensiya dito – but again we are not discouraged by that. We will apply the full forensic investigation efforts of the NBI. That’s the instruction of Director Distor,” pahayag ni Lavin.

Wala aniya siyang maikomento kaugnay sa nauna nang imbestigasyon na isinagawa ng PNP ngunit kailangan nilang maitatag ang kaso base sa forensic at scientific evidence.

“I cannot speak for them (PNP), I cannot speak for the earlier investigation. The NBI kasi is…kung anong totoo. We’re not so focused on criminal violations. If there are: Who are the violators? Who are the perpetrators? Who are the offenders? Anong participation? But as it is now, we have to build up our case based on forensic and scietific evidence,” paniniyak ni Lavin.

SMNI NEWS