Pangangalap ng ebidensya na tutukoy sa mastermind sa pagkawala ng mga sabungero, hindi madali –Sec. Remulla

Pangangalap ng ebidensya na tutukoy sa mastermind sa pagkawala ng mga sabungero, hindi madali –Sec. Remulla

PATULOY ang pangangalap ng DOJ sa mga ebidensya para sa mga ihahaing kaso at pagtukoy sa mastermind sa pagkawala ng mga sabungero.

Sinabi naman ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na sa susunod na 10 araw ay inaasahang magkakaroon ng breakthrough sa kaso.

Alas diyes ng umaga nang muling dumating sa tanggapan ng DOJ ang ilang mga kaanak ng mga nawawalang sabungero para sa resolusyon ng kaso.

Halos 2 oras nagtagal ang kanilang pulong kasama si DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla.

May dalawang resolusyon nang naipalabas ang ahensya at posible na ang paghahain ng kaso.

Pero ayon kay DOJ Sec. Remulla, mayroon pang kailangang ayusin para maiakyat sa korte ang kaso.

Sinabi rin ni Remulla na hindi pa madali tukuyin sa ngayon ang mastermind sa pagkawala ng mga sabungero.

Nagpaliwanag din si Remulla kung bakit mas mainam nang ituring na patay ang nawawalang sabungero.

Ang mga kaanak ng sabungero gaya ni Butch Inonog, wala na raw magagawa kundi ang tanggapin na patay na ang mga ito.

Tanggap na rin daw nila kung bakit dead sabungeros na ang dapat tawag sa kanilang mga kaanak na una na nilang inalmahan kay Sec. Remulla.

Iginiit naman ng ibang kaanak gaya ni Loisa na kung may porsyento pang buhay pa ang anak niyang si Kel Daniel, ay hindi niya binitawan ito.

Maliban sa makapaghain ng kaso, gusto rin nilang apela na tuluyan nang mahinto ang operasyon ng e-sabong.

Isa sa mga aapela para dito ay ang naka-wheel chair na si Carmelita Lasco, ina ng nawawalang sabungero na si Ricardo Lasco na dinukot mismo sa bahay nito sa San Pablo Laguna.

Balak nilang partikular na lumapit kay SP Migz Zubiri upang magkaroon ng  panukalang batas para sa total ban ng e-sabong sa bansa.

Ito ay sa gitna na rin ng mga ulat na muli na namang nagsulputan ang mga online sabong sa bansa.

Sinabi naman ni Remulla na sa susunod na mga araw ay magkakaroon na ng break through sa kaso at mga testimonya na malaking maitutulong para magkaroon na ng linaw ang kaso.

Follow SMNI NEWS in Twitter