Pangangampanya ng BBM-Sara tandem sa Quezon City, hindi hahadlangan – Mayor Belmonte

NANINDIGAN si Quezon City Mayor Joy Belmonte na malayang makakapagkampanya sa loob ng lungsod si presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos (BBM) at Davao City Mayor Sara Duterte.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Congressman Mike Defensor na pinagbawalan si BBM na magsagawa ng aktibidad na may kaugnayan sa eleksyon.

Mariing iginiit ng kampo ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na walang katotohanan ang alegasyon ng kampo ni mayoral aspirant Mike Defensor patungkol sa paghaharang sa campaign rally ng BBM-Sara tandem sa Quezon City Memorial Circle.

Paliwanag ni Mayor Belmonte, ang naturang request ay kailangan pa rin nilang pagpulungan dahil sa ilang health protocol issues.

Ang Liwasang Aurora ay eksklusibong pinapagamit lamang ng LGU sa mga bata at pamilya nito para sa kanilang paglilibang.

Isa sa mga guidelines na ibinigay ng Inter Agency Task Force sa lungsod Quezon na ang QMC partikular sa Liwasang Aurora ay isang child friendly safety zone.

Base aniya sa polisiya ng IATF at ng national government na responsibilidad at obligasyon ng QC LGU na masiguro na ang mga bata ay magkaroon ng ligtas na espasyo.

Napag-alaman naman na ang QMC gymnasium ang inaprubahan lamang ng LGU para magamit sa anumang political acitivites.

Matatandaang, kamakailan ay nakapagdaos ng kanilang mga political rally sa naturang lugar ang  ilang mga political aspirant gaya nila Senator Christopher Bong Go, Mayor Isko Moreno at ilang grupo.

Para sa abugado ni Belmonte ang ginawa ni Defensor ay maituturing na politically motivated.

Ang dalawa ay parehong kumakandidato bilang alkalde sa lungsod ng Quezon.

Magugunitang ibinunyag ni Quezon City mayoral aspirant Mike Defensor ang umano’y pagharang ng Quezon City Government sa inoorganisa campaign rally ng BBM-Sara tandem sa siyudad.

Diin ni Defensor, tatlong beses nilang nakumpirma na bakante ang Quezon City Circle mula Disyembre 6-9, 2021.

Subalit nang malaman na galing kay Defensor at para kay BBM ang request na magamit ang lugar ay biglang nagbago ang ihip ng hangin.

Hindi na raw bago para kay Defensor ang nangyari dahil batid nito na campaign manager ni VP Leni Robredo noong 2016 elections si Mayor Joy Belmonte.

At ngayon ay magbabanggaan na naman sina Robredo at Marcos sa eleksyon.

Sa kabila nito ay tiniyak ni Marcos sa SMNI News na gagawa siya ng paraan at handa itong makipagtulungan sa QC LGU para matuloy ang event.

“I don’t think na gagawin yun. Tignan natin but whatever it is and if there is an objection from the city government then we’ll work with them and find a way to continue to have our event. Nandito na yung kampanya so we just have to keep going,” pahayag ni Marcos.

SMNI NEWS