Pangasinan Board Member Arthur Celeste, Jr., may mensahe sa mga aspiring SK Chairman

Pangasinan Board Member Arthur Celeste, Jr., may mensahe sa mga aspiring SK Chairman

NAGHATID ng kaniyang payo ang batang board member na si Arthur Celeste, Jr. sa mga aspiring SK Chairman sa lalawigan ng Pangasinan para sa nalalapit ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong Oktubre.

Bilang batang board member ng Pangasinan at presidente ng Philippine Councilors League (PCL) Pangasinan Chapter, ibinahagi ni BM Celeste sa mga aspiring SK Chairman ng lalawigan ang kaniyang mga natutuhan bilang isang lider ng lalawigan.

Sinabi ni Celeste na mahalaga sa isang lider ang trabaho at walang takot na gawin kung ano ang tama.

‘‘Para sa akin bilang PCL President at medyo nakababata pa na isang lider, napakaimportante kasi sa akin na magtrabaho. Ano ba ang ibig kong sabihin kung magtatrabaho? Ang trabaho ay hindi po kayo takot na harapin lahat ng problema na inyong mahaharap. Para sa akin ‘pag nagtatrabaho hindi kayo takot na gawin ang kailangang gawin para magawa ‘yung trabaho nang tama,’’ ayon kay Board Member Arthur Celeste, Jr.

Sa kaniyang mga karanasan bilang lider, natutuhan ni BM Celeste sa mga mas nakatatandang lider na walang perpektong tao ngunit kailangan lamang ng pagpupursige.

‘‘Nobody is perfect but I believe that you can make a perfect effort for everything. Which ‘yun po ang tumatak sa aking isipan palagi. Na hindi naman po kailangan unang project mo lang bilang SK Chairman is perpekto kaagad. Ang pinakaimportante ay gumagawa ka ng effort para gawin ang isang proyekto o gumagawa ka ng mga programa para sa mga kabataan sa inyong nasasakupan na barangay,’’ saad pa ni Celeste.

Ayon kay Celeste, ang mga SK Chairman ang magiging boses at tulay ng mga kabataan sa barangay upang marinig ang kanilang mga hinaing at panawagan sa gobyerno.

‘‘Bilang Sangguniang Kabataan ikaw ay naatasan bilang magiging representative ng mga kabataan dyan sa inyong barangay. Ikaw po’y magiging boses nila dyan sa barangay level. Marami pong mga kabataan hindi naririnig ang kanilang boses. Dahil ikaw ang boses nila, gawin nyo ang inyong makakaya para iparinig ang boses niyo dito po sa mga taong nakakataas,’’ ani Celeste.

Dagdag pa ni Celeste, pinakamahalaga sa paglilingkod sa bayan ang pagtra-trabaho ng may pag-ibig partikular na sa pagbibigay ng serbisyo sa mga nasasakupan.

‘‘Isa pa po pinaka-importante para sa amin ng aking pamilya at para sa akin ay dapat maglingkod ka ng may puso. ‘Yung pusong mahal na mahal mo ang iyong pagsilbi, tipong pinapakita mo sa iyong mga kapamilya, mga kabarangayan, at kabataan na ‘yung pagsisilbi mo ay hindi ka nagsisilbi dahil ‘yun lang ang trabaho mo kundi nagsisilbi ka dahil mahal mo at gusto mong magsilbi sa kanila,’’ dagdag pa nito.

Samantala, plano naman ni Celeste sa agri sector sa Alaminos City na gawing moderno ang mga kagamitan sa pagsasaka para mapagaan ang trabaho ng mga magsasaka sa kanilang lugar.

Follow SMNI NEWS on Twitter