DAHIL sa pagiging malapit sa mga Duterte, itinuturing na isang political persecution ang nangyayari ngayon kay Pastor Apollo C. Quiboloy dahilan ng kanyang pagkakakulong sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Labing-anim na araw na pagkubkob ng libu-libong pulis sa religious compound ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao City ang umukit sa kasaysayan ng bansa.
Mga simpleng misyonaryo ng simbahan ang dumanas ng hagupit ng gobyerno dahil lamang umano sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa anim na mga akusado kabilang ang kanilang lider na si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Muling ikinuwento ng tagapagsalita ng Butihing Pastor na si Atty. Kaye Laurente, na hindi binigyan ng pagkakataon si Pastor Apollo na gamitin ang iba pang legal na proseso upang ipagtanggol ang kanyang sarili.
Kahit na may nakabinbin pa itong apela kaugnay sa arrest warrant.
Kwento pa ng tagapagsalita, bago pa man mangyari ang mga ito, nagbabala na si Vice President Sara Duterte na may gagamitin laban kay Pastor Apollo na mga dating miyembro ng KOJC para idiin ito sa iba’t ibang akusasyon dahil aniya malapit ito sa mga Duterte.
‘’Alam naman ng lahat na si Pastor ang isa sa may pinakamalakas na ally ng mga Duterte. There is a clear link between the individual political activities and their arrest kahit nga before pa nagsimula ito,’’ ayon kay Atty. Kaye Laurente.
Binigyang-diin ni Atty. Laurente, na ang mga kasong ibinabato kay Pastor Apollo ngayon ay una nang ibinasura sa Davao City noong 2020 dahil sa kawalan ng mabigat na ebidensiya upang gumulong ang kaso.
‘’’Pag nabasa po natin yung affidavit complaint kaya nga outright na dismiss kaagad ‘yun kasi walang ebidensya puro hearsay, for example although this is already in court sample na lang po kasi marami pa rin nagdo-doubt kay Pastor dahil nga sa isang complainant na ito, ni-rape daw sya nung September 1 tapos tribute daw iyon alam naman natin na pag tribute iba ‘yung tribute iba yung anniversary celebration, iba ‘yun so ‘pag may doubt na so ibig sabihin imposible talaga mangyari,’’ saad ni Atty. Laurente.
Ngunit nang magpalit ang administrasyon mula sa mga Duterte, partikular sa taong 2023, sunod- sunod na pag-atake ang nangyari kay Pastor Apollo kasama na ang SMNI na kilalang lumalaban sa mga makakaliwang grupo, at nagsisilbing boses ng butihing Pastor at ni dating. Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa katiwalian.
Mula sa Kamara dahil sa isyu sa prangkisa ng SMNI, sa Senado na biglang lumabas ang umano’y mga biktima ng pang-aabuso sa KOJC, ang Department of Justice na inilipat ang mga kaso mula sa Davao patungong Pasig at Quezon City, hanggang sa pagpapalabas ng freeze order sa mga ari-arian ng KOJC dahil sa nag-iisang reklamo, kaya naman ang tanong ng kampo ni Pastor Apollo:
‘’If this is not politically motivated then what is this?’’ ani Atty. Laurente.
Matatandaan din nang mangyari nga ang KOJC siege, walang search warrant kundi arrest warrant lamang ang ipinakita ng PNP at nakapangalan pa sa isa sa mga akusado na si Sylvia Cemanes at naka-address pa sa Pasig City.
Ngunit walang humpay ang ginawang paghalughog ng mga pulis sa religious compound.
At kahit na sabihin aniyang may search warrant, naglabas ng paglilinaw ang Korte Suprema kaugnay rito, kung saan dapat ay tukoy ang lokasyong hahalughugin ng mga awtoridad.
Kung hindi, mawawalan ng bisa ang search warrant dahil sa paglabag sa karapatan laban sa unlawful search at seizure.
Samantala, ayon kay Atty. Laurente, bagamat nananatiling malaking hamon ang sitwaston ng politika sa bansa, dahil na rin sa hidwaan ng mga Duterte at Marcos, tiwala silang makakamtan ni Pastor Apollo ang hustisya.
Aniya dahil sa nangyaring panggigipit, nais ng Butihing Pastor na maging boses ng mga inaapi at ipaglaban ang totoong hustisya dahilan ng kaniyang pagpasok sa politika.