PINAIGTING pa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang kampanya laban sa mga pasaway na motorista na dumadaan sa EDSA Bus Lane kahit bawal.
Ilang araw iyan bago ang pagpapatupad ng mas mataas at mas mabigat na parusa laban sa mga pasaway na motorista.
Partikular na binabantayan ng mga tauhan ng MMDA ang sa harap ng SM Megamall Northbound.
Una nang sinabi ng MMDA na maliban sa bus, papayagang dumaan sa EDSA Busway ang mga ambulansiya at iba pang sasakyan na ginagamit sa pagtugon sa emergency.
Simula Lunes, Nobyembre 13, ipatutupad na ang mas mabigat na parusa laban sa mga ilegal na daraan sa EDSA bus lane.
Sa ilalim ng MMDA Regulation No. 23-002, papatawan ng P5-K na multa para sa first offense.
P10-K at isang buwang suspension ng lisensiya, at sasailalim sa seminar para sa ikalawang paglabag.
P20-K at isang taong suspension ng lisensiya para sa 3rd offense habang P30-K at tuluyang pagkansela naman ng lisensiya para sa 4th offense.
Ang mga tatakbo o hindi tumitigil na motorista na kapag pinapara ay ire-report sa Land Transportation Office (LTO).
Ipapataw pa rin ang penalty sa pasaway na motorista kaya hindi pa rin makalulusot.
Paglilinaw naman ng MMDA na ang naturang hakbang ay hindi maituturing na anti-poor at hindi upang makalikom ng pera.