Pangulo pinabibigyan ng kapangyarihang suspendihin ang pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth

Pangulo pinabibigyan ng kapangyarihang suspendihin ang pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth

NAIS ni Senadora Grace Poe na bigyan ng kapangyarihan ang pangulo na suspendihin ang pagtaas sa kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) upang mabawasan ang dagdag pasanin sa mga Pilipino sa kritikal na panahon.

“Ang pagtaas ng kontribusyon ay isinabay sa panahong pilit na bumabangon ang taumbayan sa epekto ng pandemya at pagmahal ng presyo ng mga pangunahing bilihin,” ayon kay Senator Poe.

“Kailangan nating pakinggan ang daing ng ating mga kababayan na mapakain ang kani-kanilang pamilya at magkatrabaho para mabuhay, na walang dagdag pabigat kundi tulong mula sa pamahalaan,” saad nito.

Nakasaad sa panukala ni Poe na sa ilalim ng State of National Emergency o Public Health Emergency o State of National Calamity, maaaring suspindihin ng Pangulo, alinsunod sa rekomendasyon ng PhilHealth board matapos ang konsultasyon sa mga apektado, ang pagtaas sa kontribusyon sa nasabing ahensiya.

Ang bill ni Poe, na mag-aamiyenda sa Universal Health Care (UHC) Act, ay papayag naman sa pagbawi ng suspensyon sa pagtaas ng kontribusyon sa oras na matanggal na ang mga kundisyon.

“Sa pagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na ipagpaliban ang pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth sa panahon ng pangangailangan, maisasalba rin natin ang ating mga kababayan mula sa kagipitan,” paliwanag ni Sen. Poe.

Umaasa ang senador na mabibigyan ng atensyon ang kanyang panukala upang masuspinde ang pagtataas sa kontribusyon na ipinatupad na ng PhilHealth simula nitong Hunyo.

Mula 3%, itinaas na sa 4% ang premium rate na kasalukuyang sinisingil.

Dahil retroactive ang pagtaas mula Enero nitong taon, bukod sa itinaas na kontribusyon, kailangan ring magbayad ang mga miyembro ng dagdag na premium na 1% mula Enero hanggang Mayo.

Alinsunod sa batas, ang premium rate ay dapat itaas ng 0.5% kada taon, simula sa 3% sa 2020 hanggang sa maabot nito ang 5%.

Noong Enero 2021, inatasan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang PhilHealth na ipagpaliban ang pagtataas sa kontribusyon sa gitna ng krisis sa kalusugan.

Ayon kay Poe, samantalang katanggap-tanggap ang layunin ng UHC Act at ng National Health Insurance Program, hindi napapanahon ang nasabing pagtataas.

“Kasalukuyang umaahon ang bansa sa epekto ng pandemya at nagpupunyagi ang ating mga kababayan sa gitna ng bagong normal. May iba namang kababalik pa lamang sa trabaho o muling nagbukas ng kanilang maliit na negosyo habang nahihirapan pa ring matustusan ang araw-araw na pangangailangan at pagbabayad ng patong-patong na utang,” dagdag nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter