Pangulong BBM, hinimok na magdeklara ng state of emergency/calamity para sa food security ng bansa

Pangulong BBM, hinimok na magdeklara ng state of emergency/calamity para sa food security ng bansa

PINULONG nitong Miyerkules ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Private Sector Advisory Council para pag-usapan ang mga problema sa agriculture sector.

Dito hiningi ng Pangulo ang inputs ng pribadong sektor para makamit ang sapat at murang suplay ng pagkain.

Ngunit ayon sa Philippine Chamber of Agriculture and Food, walang pera ang pamahalaan dahil paubos na ang pambansang pondo ngayong taon.

Mababa rin aniya ang agriculture productivity at mababa ang private sector confidence.

Kaya mungkahi nila sa Pangulo, doblehin ang budget ng Department of Agriculture (DA) sa 2023.

Nanawagan din sila na ilagay sa state of emergency/calamity ang bansa at sasabayan ng implementasyon ng Mandanas-Garcia Supreme Court ruling.

“The Mandanas-Garcia ruling of the Supreme Court starts this year. So about more than 27% madaragdag sa IRA ng local goverment when it is implemented,” pahayag ni Danny Fausto, President, Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc.

“It’s about P235 billion this year. Oo, sa lahat ng LGU so mababawas yun sa national funding,” dagdag nito.

Batay sa Supreme Court, ang isang 1st class province na may P3.59-B na IRA ngayong taon ay madagdagan ng P841-M.

Kaya magiging P4.401-B na ang IRA nito sa ilalim ng Mandanas Ruling gayundin sa mga siyudad at munisipalidad.

Habang ang deklarasyon naman ng state of emergency/calamity ay makapagbibigay ng luwag para magamit ang emergency fund.

“Once it’s done like that, may 5% na calamity fund ang LGU kaya pwede nilang gamitin kaagad yan eh. In addition to the 27%- nadagdag to sa kanilang budget,” ani Fausto.

Giit pa ni Fausto, kailangan ng pera ng Pangulo para matulungan ang agri-sector sa lalong madaling panahon.

Lalo na’t sa susunod na taon pa magkakaroon uli ng national budget.

“If you’re asking for increase, definitely naman I’m sure that the Secretary of Agriculture the President- automatic yan next year mataas ang budget. Pero sa March, April pa yun dadating eh,” ani Fausto.

Mungkahi rin ng grupo na magbigay ng credit guarantee ang Philippine Guarantee Corporation sa mga magsasaka para makahiram ng pondo sa mga bangko.

Gamitin agad ang COCO levy fund, gamitin ang Tobacco Excise Tax sa Ilocos Region para sa food and fisheries projects.

At diktahan ng gobyerno ang farm gate price ng palay at mais base sa konsultasyon sa processors, millers at wholesalers.

Welcome development naman kay Pangulong Marcos ang mungkahi ng grupo.

Ayon sa Pangulo, excited siyang makatrabaho ang pribadong sektor para matulungan ang mga magsasaka.

“It is refreshing to hear ideas from them, and I’m excited to establish programs with the cooperation of the private sector to help our farmers,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Ayos lahat sa kanya yan eh. I think we requested yung legal team niya to review this dahil may mga sensitivities siya because it involves local government units,” ayon naman kay Fausto.

 

Follow SMNI News on Twitter