Pangulong Duterte, hindi pipigilan ang paggamit ng Ivermectin sa bansa

Pangulong Duterte, hindi pipigilan ang paggamit ng Ivermectin sa bansa

SA kanyang pinakahuling Talk to the People Address ay nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit ng parasitic drug na Ivermectin kontra COVID-19.

Ginagamit ito ngayon ng ilang mga doktor at mga Pinoy ang ivermectin bilang early treatment at Prophylaxis laban sa nakamamatay na virus.

Ayon sa Pangulo, wala pang nailalathalang medical journal mula sa ibang bansa na maaaring pagbasehan ng mga doktor sa Pilipinas para aprubahan ang general use ng nasabing gamot.

Pero sa kabila nito, hindi pipigilan ni Pangulong Duterte ang pagrereseta ng mga doktor ng Ivermectin.

“Ako, I leave it really to the doctor-patient relationship. If the doctor believes in good faith that it can help, and the patient also believes in his heart that he will get well, we leave it up to you to decide,” pahayag ni Pangulong Duterte.

Batid ng Pangulo na maraming mga doktor ang itinataya ang kanilang lisensya para sa nasabing gamot.

Marami ring malalaking personalidad sa bansa ang gumagamit ng Ivermectin.

“Mahirap namang masisi na kung totoo talagang effective tapos pipigilan mo, with the testimony bound, plus maraming tao na nagsabing gumaling sila. For some people, it would be quite a good gamble to embark on,” ayon kay Duterte.

Welcome development naman para sa Concerned Doctors and Citizens of the Philippines o CDC-Ph ang naging pahayag ng Pangulo.

“Nire-iterate po ni Presidente Duterte na pwedeng-pwede talaga iprescribe yan dahil may karapatan po ang mga doktor nai-prescribe ang ivermectin- ang tawag po diyan ay ang off-label. Kung maaalala po ninyo noong na-register po yung Dr. Zen, sabi nila oh yan meron nang registered pwede nang i-prescribe kahit na sinasabi pa ay for parasites. Pero dahil nga registered, the Doctors have the right to prescribe off-label. Meaning, sinasabi ng pharmacy, sinasabi niya sa papel na nire-recommend ng FDA for parasites pero yung doktor sinasabi niya ipe-prescribe ko to for COVID-19- yun ang off-label. Nire-recognized ngayon yan ni Presidente Duterte. Na kung tingin ng mga Doktor at ng kanyang pasyente, nag-agree sila, buong puso hindi ito lalabanan ni Pres. Duterte, maraming salamat po Presidente Duterte,” pahayag ni Dr. Iggy Agbayani, President, CDC-Ph.

Hiling naman ng CDC-Ph kay PRRD na gawaran na ng Emergency Use Authorization o EUA ang Ivermectin.

“Pero sana po tulungan rin ng gobyerno yung mga mahihirap na hindi makabili ng gamot. Kasi nga ang kailangan po doon ay Emergency Use Authorization hindi lang po yung off-label. Ang problema kasi doon sa off-label may mga takot na doktor lalo na sa ospital na pampubliko,” ayon kay Agbayani.

Sa kanyang panig, sinabi naman ni FDA Director General Eric Domingo na rehistrado sa Pilipinas ang Ivermectin at pwede itong i-reseta ng mga doktor.

“Ivermectin is a registered anthelmintic in the Philippines. Doctors can prescribe it to their patients,” ayon kay Domingo.

Sa ngayon, ay lumiham na sa Department of Health(DOH) ang grupo ng British Ivermectin Recommendation Development (BIRD) para ipinawagan ang paggamit ng Ivermectin sa Pilipinas.

Ang BIRD ay may sariling meta-analysis hinggil sa magandang epekto ng Ivermectin laban sa COVID-19 na maaaring gamitin ng DOH na basehan para aprubahan ang Emergency Use Authorization ng nasabing gamot.

BASAHIN: Paggamit ng Ivermectin kontra COVID, patuloy pang pinag-aaralan ng DOST

SMNI NEWS