Pangulong Duterte, ipinagmalaki ang pagbuwag ng oligarkiya sa bansa

IPINAGMALAKI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang katagumpayan niya sa pagbuwag ng oligarkiya na kumokontrol sa bansa sa napakatagal na panahon.

“If there is one thing that I will bring with me when I die, alam mo kung ano? That I was able to dismantle the oligarchs holding the government,” pahayag ni Pangulong Duterte.

Ginugugol ani Duterte ang kanyang panahon sa paghahabol sa mga business tycoon kagaya ng Lopezes na nagmamay-ari ng ABS-CBN, Fernando Zobel de Ayala ng Manila Water, at Manuel V. Pangilinan ng Maynilad.

“Talagang niyari ko sila,” aniya pa.

Hindi aniya papayagan na pagsamantalahan ng mga water concessionaire ang kanilang mga konsyumer dahil sa itinuturing na onerous water contracts ng mga ito sa gobyerno.

Kasalukuyan nang pinoproseso ng pamahalaan ang bagong water concession agreements nito sa Maynilad at Manila Water na inaprubahan ng Pangulo ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles noong Marso 4.

Pinagdiinan naman ng Pangulo na hindi nito papayagan na muling makabalik sa operasyon ang ABS-CBN sa kanyang administrasyon hangga’t maiayos nito ang kanilang obligasyon sa gobyerno kaugnay sa buwis.

Matatandaang natigil ang operasyon ng ABS-CBN noong Mayo 5,2020 matapos ang pag-isyu ng National Telecommunications Commission ng cease-and-desist order.

SMNI NEWS