Pangulong Duterte, kinokonsidera ang pagpatutupad ng martial law sa Sulu

Pangulong Duterte, kinokonsidera ang pagpatutupad ng martial law sa Sulu

KINOKONSIDERA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mungkahing pagpatutupad ng martial law sa Sulu makaraan ang magkasunod na pambobomba sa Jolo nitong Lunes.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nakikinig ang presidente sa mga tao sa ground.

Subalit, ani Roque ay kailangan pa rin ng approval ng Kongreso at Supreme Court para sa rekomendasyong martial law.

Samantala, inihayag ni Roque na sa usapin kung bibisita ang Punong-Ehekutibo sa Jolo, sinabi ng tagapagsalita ng Palasyo na mahirap ito dahil sa banta ng COVID-19 maging sa sitwasyon na rin sa naturang lugar.

Mababatid na nagpahayag ng suporta si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Archie Francisco Gamboa sa rekomendasyon ni Philippine Army Chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana na isailalim sa batas militar ang lalawigan ng Sulu upang mabigyan ng flexibility ang state forces na makapagsagawa ng operasyon laban sa banta sa area.

Napatunayan na anila na ang pagpapairal ng martial law ay epektibo sa pagtataguyod ng peace and order sa Sulu sa gitna ng presensya ng mga local terrorist group.

Sa kabilang banda, kapwa naniniwala sina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Sen. Panfilo “Ping” Lacson na hindi na kailangang magdeklara ng batas militar dahil mayroon ng ipinasang Anti-Terrorism Law na may layong matugunan ang problema ng terorismo partikular sa Mindanao.

Gayunpaman, aminado naman si Lacson na hindi pa rin tuluyang maipatupad ang nasabing batas bunsod ng kawalan ng Implementing Rules and Regulations (IRR).

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.