Pangulong Duterte, lalabas sa isang bagong infomercial ng COVID-19 vaccine

Pangulong Duterte, lalabas sa isang bagong infomercial ng COVID-19 vaccine

NAKATAKDANG lumabas muli sa isang panibagong infomercial si Pangulong Rodrigo Duterte para himukin ang mga Pilipino na magpaturok ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, patuloy na lilikha ng vaccine infomercials ang pamahalaan upang mabawasan ang pangamba ng ilang mamamayan sa pagtanggap ng bakuna kontra coronavirus.

Sa katunayan ani Roque, magte-take sila ng videos kay Pangulong Duterte sa Lunes kung saan biggest endorser aniya ang Punong Ehekutibo sa bagong infomercial na inihahanda ng Office of the Presidential Spokesperson.

Naging fully vaccinated na si Pangulong Duterte kontra COVID-19 matapos matanggap ang kanyang second dose ng Sinopharm vaccine.

Samantala, wala namang binanggit ang Malakanyang kung kailan posibleng ilabas sa ere ang vaccine infomercial.

Ang public service ad ay bahagi ng effort ng communication team ng gobyerno para maibsan ang vaccine hesitancy sa bansa.

Noong Hunyo, lumabas si Pangulong Duterte sa halos dalawang minutong commercial, na nag-iimbita sa mga Pilipino na magpabakuna na para makatulong na masugpo ng bansa ang nararanasang health crisis.

Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong June 23 hanggang 26, lumalabas na 45% sa mga Pilipino ang gustong magpabakuna.

Habang 21% naman ang ayaw magpaturok at 24% naman ang hindi pa makapagdesisyon kung tatanggapin ang bakuna.

Ikinagalak ng Palasyo ang resulta ng SWS survey dahil tumaas ng doble o natriple na ang mga numero na nais magpabakuna.

Matatandaang sa survey noong Mayo, 32 percent lamang sa respondents ang pumayag na magpabakuna kontra coronavirus.

Mababatid na target ng Pilipinas na makapagbakuna ng 70 milyong mga Pilipino ngayong taon para makamit ang population protection.

SMNI NEWS