Pangulong Duterte, muling nagpasalamat sa suporta ng mga Pilipino

Pangulong Duterte, muling nagpasalamat sa suporta ng mga Pilipino

“SA sambayanang Pilipino, maraming-maraming salamat sa inyo.”

Ito ang naging mensahe ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa isinagawang thanksgiving concert para sa kanya sa Quirino Grandstand, Manila kahapon, Hunyo 26.

Bagamat ito ang pinakamaiksing speech ng Pangulo sa kanyang buong panunungkulan, ito rin ang tila pinakamalaman lalong-lalo na’t maririnig sa event na hindi magkamayaw ang hiyaw ng mga tao bilang suporta sa Punong Ehekutibo.

Kaugnay nito, nakatakdang matapos ang termino ni Pangulong Duterte tanghali sa Hunyo 30 at ang naturang thanksgiving concert na inihandog sa kanya ng sambayanang Pilipino ay dinaluhan ng maraming personalidad na kilalang kaalyado ng Pangulo.

Ilan sa mga dumalo ay sina Freddie Aguilar, Andrew E, Jed Madela, Mariel Rodriguez at Senator-elect Robin Padilla, Bayani Agbayani, Arnel Ignacio, Cesar Montano, Mocha Uson, Sen. Imee Marcos at Sen. Bong Go.

Maliban sa maiksing mensahe ay napakanta rin ang Pangulo sa kanyang paboritong kanta na “Ikaw”.

Sinabayan pa ang pagkanta ng Pangulo ng isang fireworks display.

Kung matatandaan, kahit pa matatapos na ang termino ni Pangulong Duterte ay nakakuha pa rin ito ng mahigit 70% trust rating.

Maaalala na sa panayam ng SMNI News kay  political analyst Professor Austin Ong, sinabi nito na makasaysayan sa buong mundo ang mataas nitong trust rating dahil napakabihira lang para sa isang Pangulo na patuloy na minamahal ng mamamayan kahit pababa na ito sa pwesto.

Follow SMNI NEWS in Twitter