Pangulong Duterte, nagpahayag ng tagumpay kaugnay ng pag-dismantle sa oligarkiya

Pangulong Duterte, nagpahayag ng tagumpay kaugnay ng pag-dismantle sa oligarkiya

 

INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng tropa ng militar sa  Jolo, Sulu ang umano’y ginawa niyang pag-dismantle sa oligarkiya sa Pilipinas.

 

Sa talumpati ni Pangulong Duterte sa harap ng tropa ng pamahalaan sa Camp General Teodulfo Bautista Headquarters sa Jolo, sinabi nitong ginawa niya ito nang hindi nagdedeklara ng batas militar sa bansa.

 

Dagdag pa ni Duterte, tinuldukan nito ang mga pribilehiyo ng isang pamilya na ginagamit ang public resource para protektahan at i-promote ang sariling interes.

 

Sambit pa ni Pangulong Duterte, kasama sa kanyang pangako noong eleksyon na hahabulin ang mga oligarkiya na nagpapahirap sa bansa sa pamamagitan ng panggigipit sa ekonomiya at hindi pagbabayad ng tamang buwis.

 

Binigyang-diin din ni Pangulong Duterte na hindi patas para sa mga sundalo na nagpapakamatay para sa bayan habang nagpapayaman ang oligarchs sa pamamagitan ng pananamantala sa mamamayang Pilipino.

 

“Ganun nila nilaro ang bayan ko. Kaya ako mamatay, mahulog ang eroplano, I am very happy. Alam mo bakit, without declaring martial law I dismantled the oligarchy that controlled the economy and the Filipino people,” pagsiwalat ng Pangulo.

 

Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng pag-deny ng House of Representatives Panel on Legislative Franchises na pagkalooban ng prangkisa ang ABS-CBN Corporation.

 

Samantala, itinanggi ng Malacañang na ang Pamilya Lopez ng ABS-CBN ang tinutukoy ni Pangulong Duterte sa pahayag nito na pagbuwag sa oligarkiya sa bansa.

 

Sa televised press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang tinutukoy ng pangulo ay ang mga personal nitong tinugunan at inaksyunan.

 

Kabilang aniya rito si Lucio Tan, Manny Pangilinan at ang Ayala Clan.

 

Naniniwala si Roque na nagkataon lang ang pagbanggit ng pangulo sa mga oligarch, ilang araw matapos ibasura ng Kongreso ang franchise application ng ABS-CBN.

 

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.