Pangulong Duterte, nasasayangan sa hindi pagtakbo ni Tugade bilang senador

Pangulong Duterte, nasasayangan sa hindi pagtakbo ni Tugade bilang senador

NASASAYANGAN si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi tumakbo si Transportation Secretary Arthur Tugade bilang senador para sa 2022 elections.

Muling ibinida ng punong ehekutibo sa kanyang public address kamakailan ang isa sa napakagandang natapos na proyekto sa ilalim ng kanyang administrasyon – ang Bicol International Airport (BIA).

“Masasabi ko na hindi nakalahati ang Davao (airport), talagang maganda. I think next to Cebu, itong Bicol International Airport,” saad ni Duterte.

“Contactless, ilagay mo lang mo ‘yung binigay na number sa iyo, i-text mo lang, lalabas ‘yung departure o arrival,” dagdag ng pangulo.

Binanggit rin nito na makapagbibigay ang BIA ng napakagandang travel experience sa mga biyahero dahil ang bulkang Mayon ang background ng paliparan.

Pinuri ni Duterte si Tugade sa mga magagandang proyektong ginawa, nakumpleto at binuksan ng Department of Transportation (DOTr).

Dahil sa mabuting performance ng kalihim, nasasayangan ang pangulo nang magdesisyon ito na hindi sumabak sa pagka-senador para sa eleksyon sa susunod na taon.

“Ito si Tugade, parehong-pareho si Mark Villar. Sila ‘yang mga (nanguna sa mga) talagang magagandang projects,” aniya.

“Kaya lang sayang ayaw niyang tumakbo ng senador. Kumpletuhin lang daw niya ‘yung projects niya tapos pareho kami siguro mag-retire. Sabay-sabay kami,” dagdag ni Duterte.

Una nang nagpaliwanag si Tugade kung bakit pinili niyang huwag tumakbo sa senate race sa 2022 elections.

Sa nilabas na statement ng kalihim, sinabi nito na hindi siya naghain ng kanyang Certificate of Candidacy (COC) dahil sa maraming kadahilanan.

“I decided not to file my certificate of candidacy (coc) for multiple reasons,” saad ni Tugade.

“One of which is by not filing my COC I can emphasize that the efforts of the Department of Transportation (DOTr) in finishing projects are not, in any way, in aid of election,” dagdag nito.

Bagkus, ang adhikain ng transportation chief sa pagkumpleto ng mga proyekto ng DOTr ay sinserong hangad na makapagdulot ng ikagaganda ng bansa at ng mamamayang pilipino.

“It is just in doing and completing what we sincerely and honestly think is good for the country, the people, and the sambayanan,” paliwanag ni Tugade.

SMNI NEWS