Pangulong Duterte, ‘no mercy’ sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno

Pangulong Duterte, ‘no mercy’ sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno

IGINIIT ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito kaaawaan ang mga opisyal ng pamahalaan na mapatutunayang sangkot sa korupsyon.

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘no mercy’ ito pagdating sa usapin ng katiwalian kahit pa supporter niya ito noong eleksyon.

Giit ng Punong-ehekutibo, talagang ipahahabol niya ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan at saka wala aniyang mangyayaring pakiusapan.

“I have been a prosecutor sa tanod-bayan noon wala pa ‘yang Ombudsman at ‘yan ang gusto ko talaga. My training at least involved a lot of prosecution of criminal cases in court sa corruption… Talagang ipahabol ko kayo at saka walang pakiusapan. No mercy ako either supporter kita, tumulong ka sa eleksyon.” Pangulong Rodrigo Duterte

Pahayag pa ng Pangulo, kailangang maihinto ang katiwalian na siyang nagpapahirap sa mamamayang Pilipino, ito aniya ang pinakatulong na magagawa ng bawat government official sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Samantala, ikinatuwa ng Pangulo ang naging performance ni Interior Secretary Eduardo Año sa pagpapanagot sa napatutunayang mga  tiwaling opisyal at empleyado ng pamahalaan.

 

Preventive suspension, ipapataw sa 50 punong-barangay dahil sa anomalya sa SAP

Kaugnay nito, limampung barangay captains ang inaasahang mapapatawan ng preventive suspension bunsod ng iregularidad sa pamamahagi ng tulong pinansyal mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.

Ito ang iniulat ni DILG Secretary Eduardo Año sa isinagawang pagpupulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City kasama ang ilang myembro ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Ani Año, papatawan ng preventive suspension ng Office of the Ombudsman ang nasa 50 barangay captains ngayong linggo na pawang mga sangkot sa anomalya sa SAP.

Sinabi pa ng DILG chief na ipapataw ang suspensyon habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Ombudsman sa kinahaharap na kasong administratibo ng mga nasabing kapitan ng barangay.

“Yung pagpapalabas ng — ng preventive suspension sa mga barangay captain na nagkaroon ng mga malversation, corruption, estafa at iba pang mga graft- related anomalies dito po sa pagdi-distribute ng SAP.” DILG Sec. Eduardo Año

 

Sa naturang bilang, 13 punong-barangay ay mula sa Metro Manila; 13 mula sa Region 1; 10 mula sa Region 2; 3 sa Region 3;  at 11 sa Region 4A.

Samantala, sa report ng DILG, umaabot na sa 155 ang natanggap nilang mga reklamo na may kinalaman sa mga anomalya sa pamimigay ng SAP cash aid.

Inaasahan ng DILG na madaragdagan pa ang mga nasabing bilang habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng tanggapan ng Ombudsman.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.