Pangulong Duterte, personal na binisita ang checkpoint sa Valenzuela City

PERSONAL na binisita ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang boundary ng Valenzuela City at Meycuayan na kung saan napabalita ang madaming stranded ng mga pasahero at motorista sanhi ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Kinausap ng pangulo ang mga nagbabantay na pulis at militar at matapos nito ay agad ding umalis ang pangulo.

Agad namang inalis ng mga pulis ang harang sa kalsada para bigyang-daan ang mga motorista sa ilalim na rin ng utos ng pangulo.

Sa ngayon, mahigpit pa ring ipinatutupad ang pagbabantay sa mga entry at exit point sa Metro Manila.

Implementasyon ng Enhanced community quarantine, maganda ang naging resulta

Maganda ang naging resulta ng implementasyon ng enhanced community quarantine ngayong araw ayon sa Philippine National Police.

Sa naging panayam ng SMNI News kay PNP Spokesperson PbGen Bernard Banac, kitang-kita ang naging kooperasyon ng publiko dahil sa nabawasan ang mga sasakyang bumibyahe at wala narin gaanong lumalabas na mga tao.

“Well, maganda ang situation. Ngayong umaga ay generally ay nagkaroon ng reduction of movement sa publiko, ay nabawasan na talaga ang sasakyan. Ang meron pa naman talagang napapansin tayo iilan sa bus stops na ilang manggagawa na lumabas pa rin na nagbaka-sakali na masakyan at makapasok sa kanilang trabaho pero unti-unti po ay maipapaliwanag na sa buong publiko na kinakailangang manatili nalang sa kani-kanilang mga tahanan,” pahayag ni Banac

Pinapaalala naman ni Banac na magdala ng sertipikasyon ang lahat na naitalaga bilang skeletal workforce ng kumpanya o kahit anong transaksyon bilang patunay na authorized itong lumabas sa kabila ng community quarantine.

“Sila po ay magdala ng mga certification ng kanilang employers na sila po yung mga itinalagang skeletal workforce na magpapatuloy ng mga services at para hindi po matigil ang pagsisilbi nila sa ating publiko,” ayon kay Banac.

Samantala, mananatiling naka Red Alert Status ang mga PNP, AFP at iba pang taskforce na kasali sa nasabing community quarantine kahit payapa na ang naging implementasyon nito.

“Alert status tayo, patuloy po tayong magmamatyag sa lahat ng mga lugar, at tinitingnan natin kung talagang nagkakaroon ng pagsunod ang publiko sa pinairal na enhanced community quarantine,” ayon pa ni Banac.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.