Pangulong Duterte, pinasalamatan ang mayayamang bansa sa donasyong bakuna

NAGPASALAMAT si Pangulong Rodrigo Duterte sa World Health Organization (WHO) maging sa mayayamang bansa sa donasyong bakuna upang malabanan ang banta ng COVID-19 sa bansa.

Kagabi nang dumating ang unang batch ng donasyong bakuna mula sa COVAX Facility kung saan ay pinangunahan ni Duterte ang pagsalubong nito.

Ang naturang 487,200 vials ng AstraZeneca ay donasyon sa Pilipinas ng mga bansang Germany, European Union, Norway, France, Australia, Italy, Spain, The Netherlands, Sweden, Denmark, Belgium, Austria, at Greece.

Ayon kay Pangulong Duterte, hindi magtatagumpay ang pakikipaglaban sa COVID-19 ng mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas kung wala ang tulong ng mga ito.

Muling hinimok ang mga Pilipino na magpabakuna

Samantala, hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Pilipino na magpaturok ng bakuna laban sa COVID-19.

Ito ay kasunod ng pagdating ng unang batch ng AstraZeneca vaccines na donasyon ng World Health Organization sa pamamagitan ng vaccines global access o COVAX Facility.

“I would like to appeal to all our kababayans: Please get vaccinated against COVID-19 and be the government’s partner in preventing further spread of the disease. I encourage you to get vaccinated at the soonest possible time. These vaccines are safe, and they are the key to reopening our society,” panawagan ng Pangulo.

“And with your cooperation, we will overcome this pandemic and ensure the health and safety of everyone,” dagdag ng Pangulo.

Tiniyak ng Pangulo na ligtas ang mga bakunang nasa bansa na ngayon at ang pagbabakuna ay may mahalagang papel para sa muling pagbubukas ng ekonomiya ng bansa.

Tinatayang nasa 487,200 na vials ng bakuna ng AstraZeneca ang dumating kagabi at inaasahan pa ang nasa 44 milyong dosis ng naturang bakuna mula sa COVAX Facility ang darating sa bansa.

SMNI NEWS