NAGPAABOT ng pasasalamat si vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte kay Pangulong Rodrigo Duterte sa BBM-Sara UniTeam proclamation rally na ginanap sa Philippine Arena, Martes ng gabi.
Jam-packed ang Philippine Arena kagabi sa pag-arangkada ng proclamation rally nina Bongbong Marcos at Mayor Sara Duterte.
Bitbit ng dalawa ang bansag na BBM-Sara UniTeam dala ang mensahe ng pagkakaisa ng lahat ng Pilipino.
Sa event, hindi magkamayaw ang mga Marcos loyalist nang tugtugin ang awiting Bagong Lipunan.
Ang awitin ay ang marching song ng ama ni BBM- si yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Kaya nang pinatugtog ito, hiyawan at tuwa ang mga tao sa loob ng venue.
Sa kanyang speech, buong pusong pinasalamatan ni Davao City Mayor Sara Duterte ang kanyang pamilya- lalo na ang kanyang ama na si Pangulong Duterte.
“Let me express my utmost gratitude to my Mama and the entire family. To President Rodrigo Duterte,”ang panimulang pahayag ni Mayor Sara sa kanyang talumpati.
Tila, sagot rin ito ni Mayor Sara sa mga haka-hakang hindi maayos ang relasyon nila ni Pangulong Duterte.
At kahit hindi mag-eendorso ng kandidato sa pagka-pangulo si Presidente Duterte- pasasalamat pa rin ang mensahe ni Mayor Sara para sa kanya.
“Thank you for showing us the way,” ayon kay Mayor Duterte-Carpio.
Sa kaparehas na event, may mensahe rin si dating Presidential Spokesman Harry Roque sa dati niyang boss na si Pangulong Duterte.
Lalo na’t kasama si Roque sa 11 senatoriables na susuportahan ng UniTeam ngayong eleksyon.
“Nagpapasalamat po ako kay Presidente Rodrigo Roa Duterte. Dahil siya po ang nagsimula ng tunay na pagbabago na ipagpapatuloy ng UniTeam,” saad Roque.
“Mayor, kung nanonood ka sana po sana kasama namin kayo ngayon. Pero maski hindi namin kayo kasama, ang pangako po namin ng inyong Anak Inday Sara ng inyong tatlong gabinete na kabahagi ng UniTeam, ng inyong Deputy Speaker sa House, ang Majority floor leader sa Senate, ang inyong nais sana maging presidente Gibo Teodoro, ipagpapatuloy po namin ang pagbabago sa lipunan ng Pilipinas. Mayor, hindi po namin kayo bibiguin,” dagdag pa ni Roque.
Nauna nang ipinangako ng UniTeam na ipagpapatuloy nila at pagagandahin pa ang mga programang nasimulan ng Duterte Administration.