NANGAKONG sasagutin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga akusasyon kaugnay ng COVID-19 pandemic response ng pamahalaan.
Nagbigay ng garantiya si Pangulong Duterte na sasagutin nito kasama ang mga opisyal ng gobyerno ang mga ibinabatong akusasyon patungkol sa pangangasiwa ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic response.
‘’At sinabi ko maraming dokumento na, well, true but not relevant. Hindi naman sabihin mo na ‘yung mga dokumento nila peke. Totoo ‘yan but we will also counter it with the documents that were made during our time. Mabuti ‘yang you have something to compare,’’ayon kay Pangulong Duterte.
Ang naturang statement ay sa gitna ng pagkwestyon ng ilang mga mambabatas kung papaano nagagamit ang pondo sa gitna ng pagtugon sa pandemya.
Ginawa rin ni Pangulong Duterte ang pahayag sa harap ng pagsisiyasat ng senado sa pagbili ng umano’y overpriced na kagamitan para sa pandemic response efforts ng pamahalaan.
kasama na rito ang Personal Protective Equipment (PPEs) na binili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa isang talk to the people address nitong huwebes ng gabi, sinabi ni Pangulong Duterte na pinabulaanan ng kanyang administrasyon ang mga alegasyon, maling impormasyon at ingay na ginagawa ng mga kritiko laban sa gobyerno.
Muling binigyang-diin ng punong ehekutibo na hindi ‘overpriced’ ang biniling mga suplay ng PS-DBM.
Sa katunayan aniya, mas mababa pa sa Suggested Retail Price (SRP) na itinakda ng Department of Health (DOH) at ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga na-purchase noon na coronavirus pandemic supplies.
‘’Were the purchases of masks overpriced? Iyon ang tanong. Ang sagot is, no, they are not. PS-DBM procured the surgical masks below the [DOH], DTI, Suggested Retail Prices during that time. Mas mababa sa Suggested Prices ng DOH pati DTI,’’ayon kay Duterte.
Inihayag din ni Pangulong Duterte na talagang mataas ang presyo ng mga suplay noong nakaraang taon nang simula pa lang umusbong ang COVID-19 pandemic.
‘’So, ang presyo na ‘yun mataas kasi kung kakaunti lang kasi ang supply because manufacturers were just producing it at that time, eh mahal talaga kasi walang supply so agawan. So, balik tayo doon sa economic principle of, you know, law of supply and demand. ‘Pag maraming supply, mura; ‘pag walang supply, mahal kasi agawan,’’dagdag nito.
Samantala, muling iginiit ng chief executive na sa panahon ng administrasyong Aquino, bumili ito ng overpriced o napakamahal na PPE na nagkakahalaga ng P3,500 kung saan ay wala pa namang pandemya sa panahon na iyon.
‘’The Aquino government bought PPEs at P3,500, way more expensive than the ones we bought at [1,900] tayo. Iyong atin is 1,900. So sabihin nila ‘yun 2014 wala pa mang pandemic noon, there was no pandemic yet. And yet they bought PPEs equipment at 3,500 a piece. Tayo noong pandemic na at the start, we bought it at 1,900 lang. So kung may mga fluctuations, umabot tayo ng ilang thousand kaunti but ang kanila from 3,500 in 2015 to 20 — to 3,800 in 2016 — may fluctuation,’’ayon kay Pangulong Duterte.
Kaugnay nito, nauna na ring inilahad ng malakanyang na nasa ilalim ng State of Emergency ang bansa kung saan nakapaloob sa Bayanihan to Heal as One Act ang pagpapabilis sa pagbili ng mga kinakailangan medical supply sa gitna ng health crisis.