INIUTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Philippine National Police (PNP) na tiyakin na hindi na mauulit pa ang nangyaring karahasan sa detention centers nito.
Ayon kay Press Secretary Undersecretary officer-in-charge Cheloy Garafil, pinasisigurado ni PBBM na ipatupad ang lahat ng hakbang upang maiwasang mangyari ulit ang hostage-taking incident sa PNP Detention Center.
“President Ferdinand R. Marcos Jr. has directed Camp Crame to enforce all measures necessary to ensure that no act of violence in said facility and all other PNP detention centers shall happen again,” pahayag ni Garafil.
Nitong Linggo ng umaga, Oktubre 9, hinostage ng tatlong preso si dating Senador Leila de Lima.
Ito ay matapos saksakin ng mga ito ang isang pulis na nagrarasyon ng pagkain PNP Custodial Center sa loob ng Camp Crame, Quezon City.
Sa kanyang Twitter post, sinabi ni Pangulong Marcos na kakausapin niya si De Lima upang alamin ang kalagayan nito at tanungin kung nais nitong mailipat sa ibang detention center.
Samantala, patuloy naman ang pagsasagawa ng PNP ng malalimang imbestigasyon kaugnay ng insidente.