Pangulong Marcos, nakipagpulong kay French President Macron

Pangulong Marcos, nakipagpulong kay French President Macron

NAGKAROON ng pagkakataon na magkita sina Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. at French President Emmanuel Macron sa sidelines ng United Nations General Assembly High Level General Debate.

Ito ay base sa post ni Ilocos Representative Sandro Marcos sa kaniyang social media account kung saan makikitang nagkakamayan ang dalawang lider.

Una nang napaulat na nagkaroon ng phone conversation sa pagitan nina Pangulong Marcos at ng French President nitong nakaraang Biyernes.

Ayon sa Elysee Palace, binigyang-diin ni Pangulong Macron sa pag-uusap nila ni Pangulong Marcos ang commitment ng France sa Indo Pacific Region.

Samantala, nagkaroon din ng pagpupulong sa pagitan nina Pangulong Marcos at United Nations Secretary General Antonio Guterres sa headquarters ng United Nations.

Ang Pilipinas ay kabilang sa 51 orihinal na mga bansang kasapi ng United Nations nang ilunsad ito noong taong 1945.

Sa nakalipas na ilang dekada nanatili ang Pilipinas bilang katuwang ng United Nations sa pagsusulong ng mga polisiyang makakatulong sa interes hindi lamang ng Pilipinas kundi sa lahat ng bansa.

Si Pangulong Marcos ang ikalawang speaker sa afternoon session ng high level general debate ng United Nations General Assembly kung saan binigyang-diin nito ang posisyon ng Pilipinas sa pagtugon sa climate change at seguridad sa suplay ng pagkain.

Samantala, matutuloy na ang pagpupulong sa pagitan ni Pangulong Marcos at US President Joe Biden.

Una nang nagpahayag si Pangulong Marcos na inaasahan nito ang kanilang pagkikita ni Biden sa kaniyang unang working visit sa Estados Unidos.

Nakatakdang magkita ng dalawang lider ngayong Huwebes sa New York.

Follow SMNI News on Twitter