NAGKITA sina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at Japanese Prime Minister Fumio Kishida para sa isang bilateral meeting.
Parehong nasa New York ang dalawang lider kasunod ng pagdalo nito sa United Nations General Assembly (UNGA).
Una nang kinumpirma ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez ang nakatakdang pagpupulong sa pagitan nina Pangulong Marcos at Japanese Prime Minister.
Magugunitang isa si Kishida sa mga world leaders na unang kumausap kay Pangulong Marcos matapos manalo sa presidential elections.
Sa naganap na 15 minute call sa pagitan ng dalawang leader noong Mayo ay hiniling ang suporta mula kay Pangulong Marcos para magkaroon ng malaya at bukas na Indo-Pacific.
Samantala, nagpulong sina Pangulong Marcos at United Nations Secretary General Antonio Guterres sa sidelines ng 77th Session ng UNGA.
Tinalakay nina Pangulong Marcos at UN Secretary General ang usapin ng climate change at mga hakbang na inilatag ng Pangulo sa kaniyang talumpati saUNGA na nakikita nitong paraan sa pagtugon sa climate change.
Una nang sinabi ni Pangulong Marcos na kailangan matugunan ang historical injustices na dulot ng global warming kung saan isinusulong nito ang pagkakaroon ng climate financing mula sa mga industrialized countries.
Nakipagpulong din si Pangulong Marcos sa mga negosyanteng bahagi ng US-ASEAN business council at US Chamber of Commerce upang mas mapalalim pa ang relasyon ng Pilipinas sa mga mamumuhunan mula sa Estados Unidos at ASEAN.
“You really have to leverage whatever assets, whatever capabilities, whatever we have. So, that we can maximize our ability to grow and to pull the economy. Let us find new ways to partner, let us find new ways to develop, let us find new ways to strengthen this relationship between United States, ASEAN, and the Philippines and in that way the synergy we will find in that kind of relationship will be for the benefit of us all,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Present din ang miyembro ng Philippine delegation sa business dialogue na ginanap sa The St. Regis New York.
Sa Tweet ni NEDA Director General Arsenio Balisacan sinabi nitong nagpahayag ang mga business leaders ng Estados Unidos ng kanilang interest para mapalalim ang economic at investment ties sa pagitan ng Pilipinas at US.
Pinasalamatan din ni Balisacan ang US-ASEAN Business Council at US Chamber of Commerce sa pag-organisa ng nasabing business dialogue.
Magugunitang nagkaroon din ng pagpupulong sa New York si Pangulong Marcos sa mga business leaders ng US-Philippines Society at ang New York Stock Exchange.
Nagkaroon din ng pagkakataon na magkita sina Pangulong Marcos at dating United Kingdom Prime Minister Tony Blair.
Nasa New York si Blair bilang isa sa keynote speaker sa Concordia Annual Summit.
Ang dating UK Prime Minister ay siya ring executive chairman ng Tony Blair Institute for Global Change.
Sa Facebook post ni Pangulong Marcos, sinabi nitong tinalakay nila ang magandang kinahinatnan ng peace process ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).
Nag-usap din sina Pangulong Marcos at Blaire kung paano tutugunan ang mahahalagang isyu na kinakaharap ng buong mundo kabilang na ang food security, climate action at trade.
Samantala, nagpulong sina Pangulong Marcos at Brian Sikes, ang chief operating officer ng Cargill, Inc. na ginanap sa The Carlyle, A Rosewood Hotel sa New York.
Nakalinya sa agricultural products ang Cargill Inc at kilala pagdating sa farming services at risk management services sa buong mundo.
Matatandaang sa naging talumpati ni Pangulong Marcos ay binigyang-diin nito ang kahalagahan ng agricultural at food security dahil ito aniya ay basic right.
Bukas ay inaasahan ang magiging pagpupulong ni Pangulong Marcos at US President Joe Biden sa New York.