IPINANGAKO ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na mas palalakasin ng pamahalaan ang suporta sa mga atletang Pinoy.
Sinabi ni PBBM na medyo nabawasan ang suporta ng gobyerno sa sports noong nawala ang Department of Education, Culture and Sports (DECS) at naging Department of Education (DepEd) na lamang.
Ang pahayag ay kasabay ng pagbati ng Punong Ehekutibo sa naging historic win ng Philippine Women’s National Football team kamakailan.
Nitong Hulyo 20, nag-courtesy call sa Malacañang Palace ang mga miyembro at opisyal ng football team ng Pilipinas.
“Thank you very much and I congratulate you for this great achievement and great championship. Itong ganitong klaseng achievement walang downside ito. It’s all up, it’s all good, so enjoy it,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Inihayag pa ng Pangulo na mahalagang hikayatin ang lahat na lumahok sa sports dahil hindi lamang ito simpleng laro.
Bagkus, natututunan din aniya sa sports kung paano mas maging disiplinado, makiisa, at makipagtulungan bilang isang team.
Pinuri din ng Pangulo ang Team Filipinas sa dedikasyon at sakripisyo ng mga ito kahit maraming sagabal dahil sa ipinapatupad na restriksyon na dala ng pandemya.
Sa kabila rin ng health crisis, nagawa aniya ng mga miyembro ng Team Filipinas na mapanatili ang kanilang fitness, skills, at teamwork.
“I know that you played your hearts out and you did that because you kept remembering that you are representing the Philippines. This is the first time that we have won this championship. It is the years and years of sacrifice that you put in, the amount of training. I can only imagine how hard it was to train during the pandemic,” ayon sa Pangulo.
Noong Linggo, gumawa ng kasaysayan ang koponan matapos masungkit ang kauna-unahang ASEAN Football Federation (AFF) Women’s Football Championship ng bansa.
Inaasahan naman ang paglalaro ng Team Filipinas sa FIFA Women’s World Cup sa susunod na taon.