NADISKUBRE ang bagong 52 kaso ng COVID-19 South African variant sa bansa ayon sa Department of Health (DOH).
Naitala rin ang 31 kaso ng UK variant, at 42 pang kaso na may “mutation of concern.”
Kamakailan lang ay hinikayat ng mga eksperto ang pamahalaan na kaagad na pigilan ang paglaganap ng South African variant ng COVID-19 sa bansa.
Ito ay dahil mababa ang bisa ng AstraZeneca sa paglaban sa naturang virus.
Una nang naiulat ang apat na kaso ng South African variant sa apat na pasyente sa Pasay City.
Ayon kay Fr. Nicanor Austriaco, ang presensya ng ‘super COVID variant’ kagaya ng B.1.351 ay magdudulot ng malaking epekto sa pagkontrol sa pandemya at maging ng vaccination program sa bansa.
Aniya, ang bisa ng AstraZeneca vaccine laban sa South Africa variant ay bababa mula sa 70% hanggang sa 10%.
“South Africa decided to abandon the AstraZeneca vaccine because it was no different from injecting water into the patients. With 10 percent protection, basically most people would still be able to get mild and moderate COVID-19,”pahayag ni Austriaco.
Kagabi nang dumating ang 487,200 dosis ng AstraZeneca vaccine ng British pharmaceutical company sa pamamagitan ng COVAX Facility, isang global initiative na may layunin para sa pagkakaroon ng pantay na access ng COVID-19 vaccine partikular na sa mga mahihirap na bansa sa mundo.